Pag-chop-chop sa RITM functions kinuwestyon ni Pia

Pag-chop-chop sa RITM functions kinuwestyon ni Pia

December 13, 2022 @ 8:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang malusaw ang Research Institute of Tropical Medicine (RITM) sa sandaling maipasa bilang batas ang panukalang batas na lumilikha ng Center for Disease Control and Prevention (CDC), ayon kay Senator Pia Cayetano.

Bunsod nito, kinuwestiyon ni Cayetano, chairperson ng Senate subcommittee on health, ang magiging kapalaran ng RITM, dahil sa malaking papel nito sa pagtataguyod ng kalusugan at kabutihan ng publiko.

Kapag naipasa na ang CDC bilang batas, ang mga tungkulin ng RITM ay magiging “chop-chop,” sabi ng senador.

“RITM will cease to exist, as it was presented to us during the hearing. What will continue to exist are various functions of the RITM. Sa madaling salita, your honors, parang chinop-chop ang function ng RITM and it will continue to exist within CDC,” ani Cayetano sa kanyang privilege speech. “So sa aking pag-iisip, bakit naman kaya hindi na lang i-amend ang mandate ng RITM because they have been existing for so long?” tanong niya pa.

Aktibong ginampanan ng RITM ang tungkulin nito sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, na sumuri sa mga pinaghihinalaang mayroong virus.

Sinabi ni Cayetano na kahit si Sen. Nancy Binay ay hindi maintindihan ang lohika ng paglusaw sa RITM at paghati sa mga tungkulin nito.

Sa halip na putulin ang mga tungkulin nito, ang mas mabuting hakbang ay payagan ang RITM na “magkasama” sa Virology Institute, sabi ni Cayetano. RNT