Pag-eespiya sa mga estudyante na kasama daw sa Red October plot, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pag-eespiya sa mga estudyante na kasama daw sa Red October plot, pinaiimbestigahan sa Kamara

October 9, 2018 @ 3:39 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Hiniling ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago sa House of Representatives na imbestigahan ang sinasabing pagtitiktik ng mga sundalo at pulis sa mga estudyante sa loob ng mga unibersidad at kolehiyo sa hinalang kasabwat sa Red October Ouster Plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama ang ilang student leaders mula sa University of the Philippines, Ateneo de Manila University at Dela Salle University, inihain ni Elago ang resolusyon sa Kamara na humihiling na magsagawa ng House Inquiry sa pagsasangkot sa mga estudyante sa Red October Plot.

Giit ni Elago, nakakabahala na maging mga estudyante ay tinitiktikan at puntirya umano ng mga militar lalo ang mga aktibista.

Nakakabahala din umano ang ginagawang terror tagging ng militar sa mga estudyante kasama na dito si UP Student Regent Ivy Taroma na pinuntahan sa kanilang bahay at hinahanap subalit nang tanungin kung bakit ay walang maibigay na dahilan ang mga sundalo at pulis.

Bilang pagkondena sa pagdadawit sa mga estudyante sa October Plot, isang mobilisasyon naman ang ilulunsad ng Makabayan Bloc ng Kamara sa October 12 kung saan kasama ang mga sannguniaang kabataan at student leaders at magsasagawa ito ng pagkilos na tinawag nilang October Rage. Gail Mendoza