Pag-endorso ni PDu30 ng presidential bet, ‘game changer’- Andanar

Pag-endorso ni PDu30 ng presidential bet, ‘game changer’- Andanar

March 30, 2022 @ 5:58 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Para sa Malakanyang, maaaring maging ‘game changer’ ang gagawing pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang potential successor.

Sa nalalabing tatlong buwan na lamang ng Pangulo sa puwesto, sinabi ni acting presidential spokesperson Martin Andanar na nananatiling ine-enjoy pa ni Pangulong Duterte ang malawak na suporta ng publiko dahilan para maiwasan nito ang lame-duck status.

“Clearly, the President is no lame-duck President. As I said before, clearly the endorsement of the President is not a kiss of death for any presidentiable,” ayon kay Andanar.

“Maraming nagtatanong, maraming nag-aabang, kasi nga it’s a game changer kapag si Presidente ang nag-endorse,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, dalawang presidential bets sa katauhan nina Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Isko Moreno ang umaasa na masusungkit ang suporta ni Pangulong Duterte.

May ilan sa PDP-Laban faction na kaalyado ng Pangulo ang suportado ang kandidatura ni Marcos, na kamakailan lamang ay nakipagpulong sa Pangulo para pag-usapan ang ilang bagay kabilang na ang naging karanasan ng Chief Executive noong siya ay tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa.

Bukas, araw ng Huwebes ay nakatakdang bisitahin ni Pangulong Duterte ang vote-rich Cebu province para tumanggap ng updates ukol sa “peace and development initiatives” ng gobyerno sa Central Visayas at maging ang gagawing pagdalo nito sa PDP-Laban campaign rally.

Hindi naman malinaw kung magkakaroon ng official announcement ang Pangulo ukol sa kanyang preferred successor sa nasabing campaign event.

“Iyan ay inaabangan ko rin, dahil wala naman akong impormasyon, kung talagang magi-endorse si Presidente,” ayon kay Andanar.

Noong nakaraang buwan, sinabi ni Pangulong Duterte na wala siyang susuportahan na kahit na sinumang presidential candidate maliban na lamang kung makakakita siya ng tinatawag na “a compelling reason.”

Kamakailan ay sinabi naman ng Punong Ehekutibo na ang susunod na Pangulo ng bansa ay dapat na “compassionate” at isang abogado na katulad niya. Kris Jose