PAG-IBIG FUND MAY HANDANG CALAMITY LOAN SA MGA MIYEMVRONG APEKTADO NI PAENG

PAG-IBIG FUND MAY HANDANG CALAMITY LOAN SA MGA MIYEMVRONG APEKTADO NI PAENG

November 16, 2022 @ 11:01 AM 2 weeks ago


TATLONG Linggo matapos manalasa si Typhoon Paeng na nag-iwan ng malaking pinsala sa buhay, ari-arian, imprastraktura at agrikultura, mas ramdam ng mga apektadong mamamayan ang hirap, kaya naman nagdesisyon ang pamunuan ng Home Development Mutual Fund o HMDF o mas kilala bilang Pag-IBIG Fund na magkaloob ng calamity loan sa mga miyembrong naapektuhan.

Aabot sa halagang P5B ang kabuuang inilaang pondo na target mapakinabangan ng 344,000 miyembro sa CALABARZON, Bicolandia, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at iba pang mga lugar na ang mga local government unit ay nagdeklara ng state of calamity.

Nauna nang naideklara ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang apat na rehiyon sa pamamagitan ng Proclamation No. 84 at isinailalim ang Regions IV-A, V, VI at BARMM batay na rin sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar na siya ring chairperson ng 11-man Pag-IBIG Fund board of trustees, tugon ito ng ahensiya sa direktang panawagan ng Pangulong BBM na mabilis na pagtulong sa mga sinalanta ng bagyo.

Ang isang kwalipikadong miyembro ay maaaring makahiram ng hanggang 80% ng kanyang kabuuang savings kabilang ang buwanang kontribusyon, counterpart employer’s contribution, at accumulated dividends.

Babayaran ito sa loob ng tatlong taon na mag-uumpisa sa ika-apat na buwan matapos makuha ang calamity loan, at may mababang interes na 5.95%. Maaaring magpasa ng aplikasyon sa loob ng 90 days mula sa deklarasyon ng State of Calamity ng lugar na kinaroroonan.

Mabilis na naglagay ng Lingkod Pag-IBIG On-Wheels ang ahensiya sa mga lubhang apektadong lugar para sa mabilis na pag-proseso ng mga calamity loans at maging ng insurance claims ng mga miyembro na ang bahay mula sa Pag-IBIG Fund ay nasira ng bagyo tulad sa Aklan, Capiz, Cavite, Cotabato at Maguindanao.

Maaari ring magsumite ng aplikasyon sa pamamagitan ng Virtual online Pag-IBIG Fund.

Ibinalita naman ni Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta na may mga tanggapan at tauhan ng ahensiya na naapektuhan din ni Typhoon Paeng pero kailangan nilang magpatuloy sa paglilingkod sa mga miyembro. Ika nga niya, “sa mapaghamong panahon, asahan na nariyan ang Pag-IBIG Fund para dumamay.”