Pag-IBIG nagbigay ng P250B sa proyektong pabahay ni PBBM

Pag-IBIG nagbigay ng P250B sa proyektong pabahay ni PBBM

November 29, 2022 @ 9:04 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagbigay ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund noong Lunes sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino: Six Million Housing Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kabilang sa Trustess sa litrato mula sa ikaapat sa kaliwa: Pedrito Angeles, Atty Cornelio Aldon, Ma. Lorelei Fajardo, Secretary Jerry Acuzar, Pag IBIG Fund CEO Marilene Acosta, Mylah Roque, Anthony Cesar Arellano and USec Ireneo Vizmonte. Ang ibang nasa litrato ay PagIBIG Fund Management members kabilang sina Alex Aguilar at Benjie Felix

Inaprubahan ng Pag-IBIG Fund Board, sa pamumuno ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, ang paglalaan ng P250 bilyon sa flagship housing program ng administrasyon sa susunod na anim na taon.

“This is a huge boost to our President’s Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program –a giant step towards realizing the dream of every Filipino family to have decent, safe and affordable shelters,” ani Secretary Acuzar.

“On behalf of those wishing to have their dream homes, my deepest gratitude to the members of the Pag-IBIG Fund Board of Trustees especially to CEO Marilene Acosta for your all-out support,” dagdag pa niya.

Sa tiyak na suporta sa pagpopondo mula sa Pag-IBIG Fund, lubos na umaasa si Secretary Acuzar sa tagumpay ng programa na idinisenyo upang matugunan ang backlog ng pabahay ng bansa na naka-peg sa higit sa 6.5 milyon.

Sa ilalim ng programa, ang DHSUD ay inatasan ni Pangulong Marcos Jr. na magtayo ng 1 milyong bahay taun-taon sa susunod na anim na taon.

Kaugnay nito, nilagdaan din ng Pag-IBIG Fund ang Memorandum of Agreement (MOA) kasama si Bacolod City Mayor Albee Benitez para sa pagtatayo ng 10,000 housing units para sa informal settler families (ISFs) noong Lunes din.

Ang kasunduan ay nagmamarka ng isang kasaysayan bilang ang unang MOA na nilagdaan sa ilalim ng “Pambansang Pabahay”– hudyat ng paunang katuparan ng plano ng pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan sa pabahay sa bansa.

Sinabi ni Secretary Acuzar na ang kasunduan ay nagbubukas ng mga potensyal ng bagong programa sa pabahay lalo na ang istrukturang pinansyal at ang aktibong partisipasyon ng mga government financial institutions (GFIs) at pribadong sektor.

Inaatasan ng MOA ang DHSUD na pangasiwaan ang pagpapatupad ng proyektong pabahay sa pakikipagtulungan ng local government unit at iba pang kaugnay na ahensya sa pamamagitan ng pagkilos bilang pangkalahatang enabler, initiator at coordinator.

“The Department of Human Settlements and Urban Development is in the right direction in providing adequate and affordable housing to fellow Filipinos,” ani Mayor Benitez sa MOA signing na ginanap sa DHSUD Central Office sa Quezon City.

Batay sa kasunduan, sisimulan ng Bacolod City ang pagsunod sa mga kinakailangan para sa developmental loan mula sa Pag-IBIG Fund para pondohan ang land development at housing construction.

Sa bahagi nito, nangako si Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na magbigay ng tulong pinansyal at teknikal na maaaring kailanganin ng DHSUD at ng pamahalaang lungsod upang maisakatuparan ang nasabing proyekto. RNT