Pag-iimprenta ng balota para sa May 9 polls, halos 95% nang tapos!

Pag-iimprenta ng balota para sa May 9 polls, halos 95% nang tapos!

March 31, 2022 @ 7:19 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Halos 95% nang tapos ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa May 9 elections.

Ayon sa Commission on Elections, nasa 63.85 milyong balota na ang naimprenta na 94.68% ng 67.44 milyong balota na inaasahang maiimprenta.

Nasa 178,990 naman ang defective ballots na nakatakdang sunugin.

Samantala, inaprubahan na ng Comelec ang aplikasyon ng 84,221 na indibidwal para local absentee voting (LAV).

Ayon kay Comelec Comissioner George Garcia, mayroong kabuuang 93,567 na verified applicants.

“‘Yung na-disapprove 9,346. Bakit na-disapprove? Hindi pa pala rehistrado, hindi pa bumoto bilang local absentee voter. Number two, deactivated, hindi naman talaga bumoboto nang dalawang magkasunod na elections,” paliwanag niya.

Ang Philippine National Police ang may pinakamataas na bilang ng nag-apply na nasa 48,698, sinundan ng Philippine Army, 32,786, at ng Philippine Air Force na may 4,261.

Habang nasa 953 naman ang aplikasyon mula sa media.

Isasagawa ang local absentee voting mula April 27 hanggang 29.

Gagamitin dito ang manual system ng eleksyon kung saan ang mag-a-avail ay papayagang lamang makaboto ng presidente, bise president, mga senador at party-list representative. RNT/ JCM