PAG-IIPON AT TAMANG PAGGAMIT NG TUBIG ULAN

PAG-IIPON AT TAMANG PAGGAMIT NG TUBIG ULAN

October 1, 2022 @ 3:57 PM 2 months ago


Habang binabagtas ni Typhoon Karding (Noru) ang Central Luzon ay eksaktong obserbasyon naman ng “Save Sierra Madre Day” alinsunod sa Presidential Proclamation Nos. 233 at 413.

 Nitong nagdaang Linggo (September 25) ng gabi hanggang Lunes ng umaga (September 26), malakas na ulan ibinuhos ni Typhoon Karding (Noru), dumaan ang malakas na hangin sa Metro Manila at malakas na buhos ng ulan sa  lalawigan ng Bulacan.

Tumaas ng hanggang 6.81-meter ang water elevation ng Angat Dam ayon kay NWRB o National Water Resources Board executive director Dr. Sevillo David, Jr. base sa kanilang monitoring.

Nasa 183.97 mtr ang kasalukuyang lebel ng tubig mula sa dating critical level na 177.16 m bago tumama ang bagyo. Pero malayo parin sa normal level ng dam na dapat ay nasa 212 mtr lalo na kapag panahon ng tag-ulan sa bansa.

Kaya patuloy ang panawagan ng NWRB sa publiko na samantalahin ang pag-iipon at paggamit ng tubig ulan sa mga gawain sa tahanan. Sa ganitong paraan ay nakakatipid na sa tubig na nagmumula sa Angat dam, maliit pa ang konsumong babayaran.

Siguraduhin lamang na malinis ang drum o malalaking timba na gagamitin para makapag-ipon ng tubig ulan. At lagyan ito ng takip kung hindi gagamitin para hindi pamahayan ng mga kiti-kiti na nagiging lamok.

Maaaring gamitin ang tubig ulan sa pambuhos sa banyo, paliligo, paghuhugas ng pinggan at mga kitchen utensils, panglinis ng sasakyan, at paglalaba. 

Nasa 98% ng suplay ng tubig ng Metro Manila at kalapit na mga lalawigan ng Cavite at Rizal ay nagmumula sa Angat dam. Pero napapansin ng NWRB na nahihirapan na ang dam na regular na maabot ang operational water level nito sanhi na rin ng climate change.

Sa paniniwala ng mga environmentalists, mula sa pagiging isang super typhoon ay bahagyang humina si Typhoon Karding matapos tumama sa bulubundukin ng Sierra Madre, kaya naman, bagamat nanalasa parin ang bagyo ay hindi ito katulad ng inaasahan mula sa isang category 5 na bagyo.

Batay sa monitoring ng NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa limang rehiyon, limang lalawigan, labinglimang lungsod at munisipalidad, at dalawampu’t walong Barangay ang direktang naapektuhan ng pagsusungit ni Typhoon Karding.