Pag-imprenta ng Nat’l ID naantala sa rami ng nagparehistro – PSA

Pag-imprenta ng Nat’l ID naantala sa rami ng nagparehistro – PSA

October 22, 2022 @ 8:00 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, Oktubre 21 na ang nakikita nilang dahilan sa pagkaantala ng pag-imprenta at paghahatid ng Philippine Identification System (PhilSys) o National ID ay dahil sa dami ng mga nagparehistro para makakuha nito.

“The reason for the delay is the high volume in the registration… We didn’t expect it,” pahayag ni PSA chief Dennis Mapa sa virtual press briefing.

Aniya, hanggang nitong Oktubre ay umabot sa 74.28 milyong Filipino ang nagparehistro sa PhilSys at sumailalim na sa pagpapatala ng demographic at biometric information.

“This already represents 98.7% of the population ages 15 years and above… and represents 80% of target for 2022,” ani Mapa.

Mayroon namang kabuuang 51.23% mula sa nabanggit na bilang, ang sumailalim sa backend identity verification.

Maliban dito, nakapagbigay na rin ang PSA ng unique 12-digit PhilSys number sa mahigit 45 milyon na mga nagpalista mula sa 51 milyon na sumailalim sa backend verification process.

“Out of this, we have already dispatched/turned over to the Philippine Post Office a total of 22.55 million PhilID cards,” dagdag niya.

Sa kabila ng dami ng mga nagparehistro, 17.6 milyon pa lamang na PhilID cards ang naipadala na ng PhilPost hanggang nitong Oktubre 14 at mayroong backlogs na aabot sa 19 milyon.

“The exceptional pace of meeting the registration target created a substantial gap among the accomplishment rates of the registration which is moving very fast, the backend identity verification, and subsequently the delivery of the PhilIDs,” pagdidiin ni Mapa.

Siniguro naman ni Information and Communications Undersecretary Dennis Villorente na mareresolba ang naturang backlog sa loob ng apat na buwan.

Matatandaan kamakailan ay hinimok ng PSA ang publiko na magpa-imprenta na muna ng digital version ng PhilSys o ePhilID habang wala pa ang physical cards ng mga ito.

“The issuance of printed ePhilID is to complement the delivery of the physical cards from the printing facilities of the Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) so that the registered person can immediately utilize the benefits of the PhilSys such as faster and seamless transaction in accessing financial and social protection services requiring proof of identity subject to authentication,” ayon kay Mapa.

Bilang pagtatapos, ibinahagi rin niya na nakikipagtulungan na ang ahensya sa BSP upang makapagdagdag ng dalawa pang linya para sa printing facilities at patatasin ang printing capacity ng national ID cards mula 80,000 kada araw sa 130,000 kada araw. RNT/JGC