Pag-imprenta sa 92M balota tuloy na tuloy bukas – Comelec

Pag-imprenta sa 92M balota tuloy na tuloy bukas – Comelec

October 2, 2022 @ 1:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Itataas na sa ‘full swing’ ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-imprenta bukas, Oktubre 3 ng halos 92 milyong opisyal na balota na gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 5.

Sa abiso nitong Sabado, inimbitahan ni acting Comelec spokesperson John Rex Laudiangco ang mga stakeholders na makilahok sa aktibidad sa bukas, Lunes simula alas-10 ng umaga sa National Printing Office sa Quezon City.

Sinabi ni Laudiangco na pagkatapos ng soft-launch printing noong Setyembre 29, iimprenta na rin ang iba pang kinakailangang mga forms.

“Citizens’ arm groups and other stakeholders are invited to witness the activity. Members of the media are invited to cover,” sabi ni Laudiangco.

Binanggit ni Laudiangco na tinitignan nila na makapag-imprenta ng 3 milyong balota kada araw o tatlong makina na mag-imprenta ng milyon kada araw.

Ang buong proseso ng imprenta ay target na makumpleto sa loob ng 30 araw.

Noong Huwebes inilagay ni Comelec Chair George Garcia ang natatanging security feature ng balota na siya lamang ang nakakaalam.

“This is in addition to the security features of the paper itself and the ascending serial number,” sabi ni Laudiangco.

Inaprubahan ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang mga hakbang upang i-reset ang BSKE sa Disyembre 4, 2023.

Sinabi ni Garcia na ang darating na linggo ay magiging mahalaga sa kanilang paghahanda habang hinihintay nila ang enabling law na magpapahinto sa botohan at sa kanilang paghahanda, kabilang ang pag-imprenta ng mga balota.

Sinabi niya sa nakaraang panayam na bukod sa pag-imprenta, ang procurement office ay inatasan ng Comelec en banc na magpatuloy hindi lamang sa notice of awards kundi pati na rin sa paghahatid ng mga paraphernalia hanggang sa magkaroon ng batas. Jocelyn Tabangcura-Domenden