Pag-imprenta sa balotang gagamitin sa Marawi plebiscite sisimulan na

Pag-imprenta sa balotang gagamitin sa Marawi plebiscite sisimulan na

February 23, 2023 @ 5:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakatakda nang simulan ng Commission on Elections ang pag-imprenta ng mahigit 13,000 na official ballots para sa plebisitong gaganapin sa Marso 18 sa Marawi City.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Pebrero 23, inihayag ng poll body na sa halip na ang National Printing Office (NPO), ay ang Asian Productivity Organization (APO) Production Unit sa Bicutan, Parañaque City ang mag-iimprenta ng balota.

Ayon sa Comelec, sisimulan ang pag-imprenta ng mga opisyal na balota at iba pang accountable form na may kaugnayan sa plebisitong gaganpin sa Marso 18.

Inanyayahan naman ng poll body ang citizens arm groups, media at iba pang stakeholders upang saksihan ang aktibidad.

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ito ang unang pagkakataon sa mga kamakailang halalan na ang NPO ay hindi na-tap ng Comelec dahil abala sa pag-imprenta ng October 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

“At this time, it would be difficult to stop printing the BSKE ballots as we intend to finish BSKE ballot printing within this month, and the printing of additional BSKE ballots,” sabi ni Laudiangco.

May kabuuang 13,457 balota ang iimprenta para sa dalawang plebisito sa Marawi City.

Ang unang plebisito ay naglalayong lumikha ng Barangay Boganga II mula sa Mother Barangay ng Boganga, sa ilalim ng City Ordinance 07-010 series of 2022.

Sa kabilang banda, inaprubahan ng City Ordinance 05-010 series of 2022 ang ikalawang plebisito na magtatatag ng Barangay Datu Dalidigan sa labas ng Mother Barangay ng Sagonsongan.

Ang APO Production Unit ay government-owned at controlled corporation sa ilalim ng Presidential Communications Office.

Isa rin ito sa tatlong kinikilalang government printers. Jocelyn Tabangcura-Domenden