Pag-isyu ng VaxCertPH tuloy; gastusin, sagot muna ng DICT

Pag-isyu ng VaxCertPH tuloy; gastusin, sagot muna ng DICT

October 13, 2022 @ 4:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Patuloy ang pagpapalabas ng digital COVID-19 vaccine certificates sa ilalim ng VaxCertPH sa kabila ng expiration ng kontrata ng pamahalaan sa software developer, ayon sa information and technology department nitong Huwebes.

Nauna nang inihayag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na ang kontrata para sa software provider para sa VaxCertPH ay epektibo lamang hanggang Setyembre 30, at target nilang sagutin ang bayad sa ngayon upang maipagpatuloy lamang ito.

“Tuloy-tuloy lang ‘yon (operations)… Ang provider ay nagmagandang loob at tinuloy nila ang serbisyo despite na nag-expire na ang kontrata, habang inaayos natin ang budget dahil biglaan ito,” ani Uy sa isang televised briefing ngayong Huwebes.

“Hinanapan natin ng kauukulang budget para ituloy itong VaxCert na ito… Tuloy-tuloy pa rin ang registration at tuloy-tuloy pa rin ang issuance ng VaxCert. Wala namang interruption,” dagdag niya.

“Ang provider ay nagmagandang-loob na magbigay ng tuloy na serbisyo kahit nag-expire ‘yung kontrata.”

Naghahanda na ang DICT sa pag-turn over ng programa sa health department. Subalit, dahil inamin ng huli na hindi pa ito handa na hawakan ang programa, ang DICT muna ang magpapatakbo ng operasyon hanggang sa susunod na taon, ayon kay Uy.

“Nakiusap sila (DOH) kung maaaring sa susunod na lang na taon. So for the next up to the end of the year or early part of next year, DICT pa rin ang hahawak until such time kaya na nila i-handle,” paglalahad niya.

Hindi pa nagkokomento ang Department of Health ukol dito.

Ang DICT ang bumuo ng VaxCertPH, na ipinalabas bilang isang mobile app, sa pakikipagtulungan sa health department.

Hanggang nitong Martes, hindi bababa sa 73.3 milyong indibidwal sa bansa ang fully vaccinated na laban sa COVID-19, habang 20.1 milyon na ang naturukan ng boosters. RNT/SA