‘PAG MGA MAGSASAKA’Y  BUHAY, TAYO’Y BUHAY RIN

‘PAG MGA MAGSASAKA’Y  BUHAY, TAYO’Y BUHAY RIN

October 19, 2022 @ 1:28 AM 2 months ago


PAGKAIN ang isa sa pinakamahalagang pangangailangan ng tao kahit saan man siya mapadpad.

Sa ibang bansa, ang trigo na ginagawang tinapay ang panungahin nilang pagkain.

May mga nabubuhay naman sa mais o kaya sa mga lamang ugat gaya ng mga kamote o ube.

Sa Pilipinas, pangunahing bigas mula sa palay ang pagkain ng mga tao.

Kaya naman, ito ang pangunahing pinagtutuunan ng pansin na pananim.

At mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nangunguna sa pagsusulong ng lahat na paraan para matiyak na may sapat na suplay ng bigas para sa lahat.

Ito’y para walang mabubuhay sa kagutuman at sa halip, magkaroon ng sapat ng pagkaing kanin na may kasamang ulam para sa magandang kalusugan na magbubunga ng magagandang bagay sa buong lahing Pinoy.

KALIHIM PARA SA AGRIKULTURA

Napakagandang isipin na nakaupo si Pang. Bongbong bilang Kalihim ng Kagawaran sa Agrikultura.

Bigas at ulam kasi ang nasa gitna ng usaping ito.

Kailangang may sapat na suplay ng pagkain at ito ang pangarap na nais makamit ni Pang. Bongbong.

Ngunit kakambal nito ang maraming mahahalagang bagay.

Kasama na rito ang pagpapaunlad ng buhay ng mga magsasaka.

At siyempre pa, kasama ang pagtitiyak ng sapat na pagtatamnang mga lupain at kailangang tubig upang mabuhay ang mga pananim.

Kapag uunlad ang buhay ng mga magsasaka, hindi lang palay ang kanilang maisipang itanim kundi iba pa gaya ng mga gulay.

At kung titingnan ang buhay-magsasaka, sila’y mangingisda rin.

Kaya masasabi nating ang agrikultura ay kumpletong binubuo ng lahat ng uri ng pagkain.

At nagpapasalamat tayong ibinubuwis pa nga ng mga magsasaka ang kanilang buhay para lang may maihain sila sa hapagkainan ng lahat.

NFA AT SINAG

Nitong lang nagdaang araw, nagkasundo ang National Food Authority at ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na magtulungan para mabili ang mga bentang palay ng mga magsasaka sa kahit nakabubuhay na presyo.

Kapag mga araw kasi ng anihan, mga Bro, pinababagsak ng mga negosyante ang presyo ng palay sa P13 kada kilo.

Ngunit sa pagtutulungan ng NFA at SINAG, itataas nila ang presyo sa P19-P20 kada kilo.

Ito’y para hindi malugi kundi kumita ang mga magsasaka.

At bahala na ang SINAG at NFA na paratingin sa merkado ang makikiskis na palay o bigas sa presyong P38 kada kilo.

Mas mura ito kaysa imported rice na nagsisimula sa P42 kada kilo.

Sa ngayon, nasa limang porsyento lang ng ani ng mga magsasaka ang binibili ng NFA ngunit sa kasunduan nito at SINAG maaaring maging 10 porsyento na.

Maaaring aabot sa halagang mahigit P160 bilyon ang gugulin ng mag-partner para pambili ng balay.

At upang hindi masira ng mga bibilhin ng SINAG, iniaalok ng NFA ang mga bodega at dryer nito sa una.

WALANG PAGSASAMANTALA

Napakaganda ang intensyong bumabalot sa partnership ng dalawang grupo at malaking tulong ito sa mga magsasaka at isipin pang mahigit isang milyong magsasaka ang makikinabang dito.

Tiyak na sisipagin sila lalo na magtanim sa magandang balitang ito.

Sana naman, hindi mahahaluan ng pagsasamantala ang programang ito.