‘Pag nanalong Bise, dating Pangulo maari pa bang humalili sa nahalal na bagong Presidente?



‘Pag nanalong Bise, dating Pangulo maari pa bang humalili sa nahalal na bagong Presidente?

June 6, 2021 @ 3:40 PM 3 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Sa gitna ng usap-usapang muling pagtakbo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagka-Bise Presidente, lumulutang din ang katanungang maari pa rin ba siyang maging Pangulong muli?

Ang sitwasyon ay maaring mangyari kapag nagbitiw ang mananalong susunod na Pangulo, o hindi naman kaya ay may mangyaring masama rito tulad ng insidenteng biglaan pagkasawi.

Sa ganitong sitwasyon, base sa Konstitusyon na ang Bise Presidente ang hahalili sa namayapang Pangulo.

Sa panig ni election lawyer Romula “Romy” Macalintal sa ekslusibong interbyu ng Remate News Team, na maaring tumakbo sa ibang pwesto si Pangulong Duterte, at maaring maging Pangulong muli sa pamamagitan ng “succession” at hindi re-election.”

“Pwede siyang tumakbo for VP. Kung manalo siya at may mangyari sa Pres[idente] magiging Pangulo siya (Duterte) by means of succession and not by re-election,” ayon sa mensahe ni Macalintal sa Remate News Online.

“Ang pagtakbo niya bilang VP ay hindi re-election kasi hindi naman siya “muling tumakbo” sa pagka-VP. Kapalaran lang niya na kung manalo siya at may mangyari sa nahalal na Pangulo ay muli siyang maging Pangulo, hindi dahil sa election kundi dahil sa succession,” dagdag pa ng batiking election lawyer na dati ring tumakbo bilang Senador sa ilalim ng Otso Diretso opposition slate sa pagka-senador.

May sagot din naman dito ang Commission on Elections, ayon kay Comelec spokesperson at commissioner James Jimenez, hindi naman ipinagbabawal sa batas na tumakbo ang isang dating presidente sa ibang posisyon sa gobyerno pagkatapos ng kaniyang termino.

Nangyari na umano ito kay dating Pangulong Joseph Estrada na tumakbo at nanalong mayor ng Maynila; at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na tumakbong kongresista ng Pampanga.

“Puwede po ’yon. You can basically if you serve as the president. A plain reading of the law and the constitution basically says that you can run for any other position except re-election. Hindi ka lang puwedeng magpahalal ulit bilang presidente,” ani Jimenez.

Sa kabilang banda, base sa Konstitusyon na ang Pangulo ng bansa ay maaring magsilbi lang ng anim na taon sa loob ng isang termino. RNT


  •  
  •  
  •