PAG-REPAIR NG HYMEN, VIRIGINITY TEST KRIMEN NA

PAG-REPAIR NG HYMEN, VIRIGINITY TEST KRIMEN NA

January 27, 2022 @ 4:59 AM 8 months ago


HINDI magtatagal, magiging krimen na sa United Kingdom ang pag-repair ng nasirang hymen at pagsalang sa virginity test.

Naunang ipinanukala sa House of Commons na bawal ang hymen repair o hymenoplasty kung tawagin at inamyendahan ito para isama na rin ang pagbabawal ng virginity test.

At kahit pupunta pa ang mga taga-UK sa ibang bansa, sakop pa rin sila ng batas.

Hindi rin makaliligtas ang sinomang magsagawa o mag-udyok na gawin ang mga ito.

Makukulong ng limang taon ang magsasagawa at tutulong sa pagsasagawa ng nasabing mga ipagbabawal na gawain.

PALIWANAG NG WHO

Ayon sa World Health Organization, hindi lang sa pagtatalik nasisira ang hymen kundi sa iba’t ibang kalagayan gaya ng pagsali sa sports o paggamit ng tampon.

Kaya naman hindi dapat batayan ito ng pagtanggi sa pag-aasawa at kasal.

Sa mga konserbatibo o makalumang kultura lamang umano iniistriktuhan ang pagpapanatili ng hymen at kailangang dumugo ang babae sa unang ng pagtatalik upang magkaroon ng buong pagtanggap rito ng lalaki at mga pamilya ng mga bagong mag-asawa.

Ang virginity test naman ay isinasagawa sa 20 bansa na roon magpiprisinta ang ikakasal na babae ng virginity certificate para maikasal.

KONTRA SA BATAS

Tinututulan ng mga doktor ang panukalang batas na nabanggit, partikular ang hymen repair o hymenoplasty.

Karamihan umano sa mga nagpapa-repair ay boluntaryong nagpupunta sa mga klinika para sa iba’t ibang kadahilanan.

Kabilang dito ang kagustuhang matanggap ng mga kalalakihan ang pakikipagrelasyong sexual o pagpapakasal sa kanila.

Hindi umano sila tumatanggap ng mga pasyenteng pinupwersa ng ibang tao, maging ang mga magulang.

At hindi sila nagsasagawa ng virginity test para lang sa maayos at katanggap-tanggap na kasal.

Kaya naman, isinusulong nila ang pagkontrol o regulasyon dito, lalo na sa hymenoplasty, sa halip na ganap na ipagbawal ito.

Kung hindi, sasalang ang mga kababaihan sa mga iligal o underground na operasyon na magdudulot ng panganib sa mga kliyente o pasyente.

UGONG SA PINAS

Sa pakikinig sa mga kwento ng mga kababaihang Pinay, tila may sumasalang na rin sa hymenoplasty ngunit walang umaamin.

Ang maririnig mo lang ay masasaya sila sa kwentuhan at nakapagbibigay-sigla umano ito sa kanilang sexual life.

Wala ka ring marinig sa kanila kung kaninong doktor sila nagpapa-repair subalit marami na ang mga plastic surgeon sa bansa na magagaling sa pag-repair sa anomang nasisirang bahagi ng katawan ng tao, lalaki man o babae.

Kung ayaw nilang mahagip ng mata ng mga Marites, pumupunta sila sa isang bansa sa Southeast Asia para magpa-repair.

‚ÄėYung iba, ganap na nagpapalit ng mga ari, ayon sa bugso ng kanilang damdamin at katawan, kinanganakan man nila o impluwensya ng lipunan.

Tanong: May magsusulong din ba sa mga mambabatas ng bawal na hymen repair at virginity test?