Pag-usog ng BSKE ‘di pa napagdedesisyunan ni PBBM-Imee

Pag-usog ng BSKE ‘di pa napagdedesisyunan ni PBBM-Imee

August 7, 2022 @ 4:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patuloy na pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga panukala para ilipat sa ibang petsa ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na nakatakda sa Disyembre 5.

Sinabi ni Senator Imee Marcos na hindi pa nagdedesisyon ang Pangulo sa usapin.

“Ang alam ko, pinag-aaralan niya ang mga opsyon ng Disyembre (2022) o Marso (2023) dahil may ilang lobby na nagmumungkahi na gawin namin ito kaagad, at may iba naman na, sa kabilang banda, nagsasabi na kailangan namin ng maliit na espasyo sa paghinga. So, wala pang decision, ang alam ko,” aniya sa isang interbyu sa pagbisita sa Cebu nitong Agosto 6.

Ang Senador din ang pinuno ng senate committee on electoral reforms and people’s participation.

Sinabi ni Senador Marcos, noong Sabado, na ilang mambabatas ang nagsusulong na ipagpaliban ang halalan upang “maghilom” muna ang mga sugat na dulot ng pambansa at lokal na halalan noong Mayo 2022.

Ngunit may iba rin na naniniwala na kailangan na ngayong maghalal ng bagong hanay ng mga opisyal ng barangay para tumulong sa administrasyong Marcos.

Para sa kanyang personal na opinyon, ani Marcos, pabor siya sa pagpapaliban ng barangay at SK elections.

“Pwede, pero wag natin masyadong i-postpone. Alam natin yung ibang SK naka graduate na. Hindi na nakatira sa kanilang mga barangay. Hindi na mahanap dahil nag-aaral, nagtatrabaho sa ibang bansa. Eh hindi naman ata tama yun…And there are no youth sector representatives as a result. Sa tingin ko mahirap gawin ang sektor ng kabataan natin sa ganoong klase ng kawalan,” paliwanag pa niya.

Si Marcos,  ay naghain ng panukalang batas na naglalayong i-reschedule ang barangay at SK elections mula Disyembre 5, 2022 hanggang Marso 2023, ngunit ang nasabing panukala ay napapailalim pa rin sa patuloy na pag-uusap. RNT