PAGASA: Pagpasok ng 2 tropical cyclones sa PAR binabantayan

PAGASA: Pagpasok ng 2 tropical cyclones sa PAR binabantayan

July 7, 2022 @ 2:15 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng state weather bureau, PAGASA, nitong Huwebes na dalawang tropical cyclones ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa mga susunod na araw.

Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni PAGASA Administrator Undersecretary Vicente Malano na sa susunod na tatlong araw, walang tropical cyclone ang inaasahang papasok sa PAR.

Subalit, dalawang tropical cyclones ang namataang maaaring makapasok sa bansa matapos ang tatlong araw.

“Ayon po sa ating mga datos na nakikita sa ngayon, wala po tayong nakikitang mga sama ng panahon o bagyo sa susunod na tatlong araw. Mayroon tayong inaasahan, after three days… may mangyayari na inaasahan po natin na may bagyo, tropical cyclone na papasok sa ating Philippine Area of Responsibility,” pahayag ni Malano.

“Ang characteristics po nitong dalawang bagyo na nakikita po natin ay kamukha po ng nakaraang dalawang bagyo na pumasok dito sa Philippine Area of Responsibility itong si Caloy at Domeng na si Domeng papuntang Norte at ‘yung isa namin nanggaling sa West Philippine Sea at pumunta po siya ng China area,” dagdag niya.

Nauna nang inanunsyo ng PAGASA na magpapaulan ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.

Dagdag nito, magiging maulap sa Metro Manila at natitirang bahagi ng bansa na sasabayan ng isolated rainshowers. RNT/SA