PAGASA sa NCR residents: Magtipid ng tubig sa numinipis na Angat water level

PAGASA sa NCR residents: Magtipid ng tubig sa numinipis na Angat water level

January 27, 2022 @ 7:10 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagbaba ng lebel ng tubig na nakaimbak sa Angat Dam, pinaalalahanan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang gma residente sa National Capital Region na magtipid ng tubig para makasiguro sa dry season.

Sa ulat ng weather bureau, hanggang nitong Enero 26, nasa 197.79 meter na lang ang water level sa Angat Dam. Ito ay mas mababa ng 14.21 metro mula sa 212.0-meter normal high water level.

Ang Angat Dam ay ang pinakapangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila.

“Napakalaki ng kailangan na tubig ng Angat Dam. Wala tayong nao-observe na pag-ulan kaya continues yung pagbaba dahil marami tayong pinaggagamitan ng tubig ng Angat. Nandiyan yung power generation, irrigation, at daily use. Although may ilang pag-ulan, pero light lang, hindi sapat para mapataas yung level ng Angat Dam,” ani hydrologist Elmer Caringal.

Sinabi naman ni PAGASA-Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis na ang National Water Resources Board at Metro Manila residents ay nauna nang naabisuhan bandang huling kwarter pa lang ng 2021 ukol sa tamang pagtitipid ng tubig.

“Kung titignan natin [ang projections], from February to May, below to near normal [rainfall] sa general portions kasama ang Luzon area, including the Angat dam area. Nakikita natin na may konting implikasyon ito kaya as early as last quarter of 2021 ay pinaghahanda na po natin ang ating mga kababayan natin sa Metro Manila na medyo magtipid po tayo ng tubig ngayon,” dagdag pa ni Solis.

“Nakikita po natin na medyo mababa ang posibleng pagdating ng ating mga ulan dahil magdidissipate na ang La Niña at yung kanyang impact ay nakaconcentrate sa Visayas and Mindanao. Konti na lang yung rain-bearing weather systems natin na inaasahan natin na posibleng makapagdagdag ng tubig sa Angat Dam at sa mga tributaries nito. Baka hindi po mareplenish ang Angat Dam dahil papunta na tayo sa dry season so magtipid po tayo sa ating tubig,” dagdag pa niya.

Habang ang habagat ay posible namang magisimula sa huling linggo ng Mayo o kalagitnaan ng Hunyo. RNT