Pagawaan ng bomba ng BIFF, nakubkob ng militar

Pagawaan ng bomba ng BIFF, nakubkob ng militar

October 4, 2022 @ 10:20 AM 2 months ago


DATU ODIN SINSUAT, Maguindanao – NAKUBKOB ng militar ang isang barong-barong na pinaniniwalaan pagawaan ng mga improvised na bomba ng teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao, nitong Lunes.

Ayon kay Colonel Oriel Pangcog, commander ng Army’s 601st Infantry Brigade na nakabase sa Ampatuan, Maguindanao, nilusob ng tropa ng pamahalaan nitong Biyernes ang barong-barong ng BIFF sa Sitio Pedtad, Barangay Inaladan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.

Narekober sa maliit na bahay ang mga materyales at dokumentong ginamit ng homegrown terror group, mga improvised bomb at mga kemikals sa paggawa ng bomba.

Tugis ngayon ng militar at pulisya ang grupo nina Commander Ysa Ganoy, Abdulkarim Hashim alyas Boy Jacket, Ben Harris at Emarudin Kulay, pawang mga field commander ng BIFF na mabilis nakatakas at naabutan pa nilang gumagawa ang mga ito ng bomba.

Sinabi ni Pangcog na ang mga dokumentong narekober ng mga sundalo ay isang senyales na seryoso ang teroristang grupo sa kanilang pananabotahe sa prosesong pangkapayapaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Dagdag pa ni Pangcog, na kawawa ang mga residente sa naturang bayan dahil nagrereklamo ang mga ito na hina-harass sila ng BIFF.

Karamihan sa mga ito ay pawang mga magsasaka at mangingisda na hinihingan ng pera bilang buwis at ipinagbabawal na rin silang magtungo sa kanilang sakahan o pangingisda sa marshland.

Nanawagan naman si Pangcog sa mga teroristang grupo na nanatiling bukas ang gobyerno sa mga gustong sumuko at mamuhay ng payapa./Mary Anne Sapico