Pagawaan ng bomba ng Maute group, giniba

Pagawaan ng bomba ng Maute group, giniba

December 12, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


LANAO DEL SUR- Giniba ng militar ang hinihinalang training camp at isang bomb-making site ng mga natitirang miyembro ng Maute group matapos matunton ng Joint Task Force –Central, iniulat kaninang umaga sa bayan ng Marogong.

Ayon sa militar, tinututukan nila ngayon ang mga lugar na posibleng labasan ng nasa 40 natitirang miyembro ng Maute group.

Sa report ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Agosto nadakip nila ang isang mataas na opisyal ng nasabing grupo at dalawang kasamahan sa Marantao, Lanao del Sur.

Ang mga nadakip na suspek ay sina Mastura Disomala, 43; dating barangay chairman na umano’y nagme-maintain ng mga pribadong armadong grupo na nauugnay sa Daulah Islamiyah-Maute Group; Samen Mamasao, 23; at Moca Gimbal, 25.

Matatandaan na noong Oktubre 2017, idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakalaya na ang Marawi City mula sa Islamic State-inspired Maute group matapos ang limang buwang pagkubkob sa mga kuta na nauwi sa engkuwentro na ikinamatay ng higit sa isang libong kasapi. Mary Anne Sapico