Pagbababa ng presyo ng asukal, pagpapakita ng ‘bayanihan’ – PBBM

Pagbababa ng presyo ng asukal, pagpapakita ng ‘bayanihan’ – PBBM

August 22, 2022 @ 7:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tapos na ang paghihirap ng mga ordinaryong mamimili dahil bumaba na sa P70 kada kilo ang  presyo ng asukal o retail price nito sa mga supermarkets at  groceries sa Kalakhang Maynila.

Pinagbigyan kasi ng mga nagmamay-ari ng supermarket at grocery chains ang hiling ni Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. na ibaba nila ang presyo ng asukal sa P70 mula sa P90-P110 kada kilo.

Dahil dito, pinuri ni Pangulong Marcos ang walang pag-iimbot na tugon ng mga negosyante na batid kung kailan ibaba ang kanilang dapat sana’y magiging tubo para sa kapakanan ng  mga Filipino consumers na labis na naghihinagpis mula sa  kamakailan lamang na pagtaas ng presyo ng asukal at iba pang pangunahing bilihin.

“This is a classic display of the Filipino spirit of ‘bayanihan’ and love of country. It is good to know that consumers are now enjoying the price-drop of sugar in the leading groceries and supermarkets,” ayon kay Pangulong Marcos.

Matatandaang, pumayag ang mga malalaking supermarkets sa bansa na ibaba ang preyso ng kada kilo ng asukal na kanilang ibinebenta.

Ito ay matapos makipag-usap ni Executive Secretary Victor Rodriguez sa mga malalaking supermarket owners, tulad ng SM Supermarket, Robinsons Supermarket, Puregold Supermarket at S&R Membership Shopping, base na rin sa kautusan ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Nabatid na mula sa P90 hanggang P110 kada kilo ay ibababa na ang suggested retail price na P70 kada kilo ng asukal.

“The President lauded the selfless response from these businessmen who are sacrificing not just their own inventory but also their projected business profits for the sake of the ordinary Filipinos at this time when the country is besieged by many problems,” ani Rodriguez.

Sinabi ni Rodriguez na ang SM stores ay nangakong ang segundang asukal (washed sugar) ay ibebenta ng P70, gayundin ang Robinson’s Supermarket na magbabagsak ng isang milyong kilo ng asukal na ibebenta rin ng P70 kada kilo sa Metro Manila.

Nangako din ang Puregold na ibababa sa P70 kada kilo ang presyo ng kanilang refined sugar at gagawing available sa publiko ang 2 milyong kilo.

Upang matiyak na maraming ‘consumers’ ang makabibili ng murang asukal, sinabi ni Rodriguez na babantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bawat merkado upang maiwasan din ang posibleng ‘household hoarding’ ng ilang nangangalakal na mamimili.

Inaasahang babagsak ang presyo ng asukal sa Metro Manila sa susunod na lingo at mananatili ang P70 kada kilo ng asukal’ sa merkado hangga’t may sapat na supply.

Ang Savemore Market ay itinuturing na ‘fastest growing format’ ng SM Markets. Nagsisilbi rin itong ‘umbrella brand’ ng SM Supermarket, SM Hypermarket at Savemore, pati ang its sister company na Alfamart.

Mayroon itong 1,500 stores na binubuo ng 206 Savemore stores, siyam na Savemore Express stores, 60 SM Supermarket stores, 53 SM Hypermarket stores, at 1,201 Alfamarts.

Ang Robinsons Supermarket, isang dibisyon ng Robinsons Retail Holdings, Inc. ang ikalawang pinakamalaking supermarket chain sa Pilipinas na may 274 stores nationwide.

May 280 operating stores at mahigit 20 food service stalls naman sa buong bansa ang Puregold Price Club, Inc.

Ayon pa kay Rodriguez, maging ang Victorias Milling Company ay nangako rin upang tulungan ang mga ‘traders food manufacturing industries’ sa pamamagitan ng 45,000 sako at 50 kilos per sack bottler-grade sugar para soft drinks companies, tulad ng like Coca-Cola, Pepsi at RC Cola.

Ang Victorias Milling Company, Inc. (VMC or the Company) na may produktong ‘integrated raw and refined sugar’ ay mula sa Barangay XVI, Victorias City, Negros Occidental.

Ang kompanyang ito na pinakamodernong sugar company sa bansa ay itinatag noong May 7, 1919 ni Don Miguel J. Ossorio.

Bukod dito, nakipagpulong rin si  Pangulong Marcos sa mga miyembro ng Philippine Chamber of Food Manufacturers, Inc. (PCFMI) para pag-usapan ang problema sa kakulangan ng supply ng asukal sa bansa.

Ang PCFMI ay principal organization ng manufacturers and distributors ng mga food products sa bansa. Responsable sila sa pagbibigay sa mga mamimili ng ligtas, masustansya at murang processed food products alinsunod sa local and international standards and regulations.

Plano rin ng Pangulong Marcos ang direct importation ng mga food manufacturers bilang bahagi ng ‘emergency measures’ sa pagtugon sa kasalukuyang pangangailangan ng industriya. Kailangan lang nito ng approval ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kung saan naman chairman ang Pangulong Marcos.

Ayon kay Pangulong Marcos, hangad niya ang maayos na takbo ng mga negosyo.

Kasama rin ang magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mamamayan lalo na sa industriya ng fast-moving consumer goods.

Kaya naman ani Pangulong Marcos, kanyang sinusuri ang pagtatakda ng malinaw na sistema na may kinalaman sa pagtaas ng suplay ng asukal. Kris Jose