Pagbabad sa gadget, internet bawasan muna sa Kuwaresma – CBCP

Pagbabad sa gadget, internet bawasan muna sa Kuwaresma – CBCP

March 6, 2022 @ 10:30 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Isang paraan para makamit ang tunay na kahulugan at esensya ng Kuwaresma, lalo na ang maisagawa ang sakripisyo at pagsisisi, ay ang bawasan ang pagkahilig sa mga bagay-bagay na kinagawian at ninananais tulad na lang ng pagbababad sa internet.

Sinabi ni Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chair of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Social Communications Ministry, na kabilang sa mga bagay na maaaring alisin ng mga mananampalataya ay ang mga gadget, electronic device, at access sa social media sa panahon ng Kuwaresma.

Ayon sa Obispo, batid niya ang kahalagahan ng impormasyon lalo na sa mga kabataan ngunit nabanggit niya na ang tunay na pagninilay ay makakamit kung ang isang tao ay nakatuon sa Panginoon.

“Remind our youth that in sacrifice, we often see the strength to put something aside for reasons and now at Lent, it is important so that we could spend time to do more valuable things like praying which is a big thing for spiritual growth,” sabi ng Obispo sa church-run Radyo Veritas.

Sang-ayun din ito kay Pope Francis na ang teknolohiya ay nakakahati (divisive) lalo na sa isang lipunan kung saan ang infodemic o labis na impormasyon na kumakalat sa social media ay kadalasang hindi makatotohanan.

Aniya ang online information ay nagdudulot ng kalituhan kaya dapat maging “kritikal sa ating nababasa at sa ating pinapanood”.

Umapela rin ito sa mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga kabataan upang hindi sila mabiktima ng fake news.

Ang isang pag-aaral na inilabas noong Pebrero 2021 ng We Are Social at Hootsuite ay nagpakita na ang mga Pilipino ay gumugugol ng average na 4 na oras at 15 minuto bawat araw sa social media, isang 22 minutong pagtalon mula sa average noong 2020 na 3 oras at 53 minuto.

Ang global average para sa gumagamit ng social media ay 2 oras at 25 minuto

Nauna ring sinabi ni Pope Francis na ang internet ay “isang kapaligiran na nadudumihan ng labis na karahasan sa salita, ng maraming nakakasakit at nakakapinsalang mga salita”. Jocelyn Tabangcura-Domenden