Pagbabago sa OPS, asahan – Garafil

Pagbabago sa OPS, asahan – Garafil

October 10, 2022 @ 11:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dapat nang asahan ang pagbabago na magaganap sa Office of the Press Secretary (OPS).

Sa isang panayam, sinabi ni Garafil na makikipagpulong siya sa ibang OPS officials para pag-usapan ang operasyon ng nasabing tanggapan.

“Ngayon pa lang kami magmimeeting talaga formally on the operations of the OPS. So tingnan natin but definitely you’ll see some changes in the coming days,” ayon kay Garafil.

Matatandaang, noong nakaraang linggo ay ipinatawag si Atty. Garafil  ni Pangulong Marcos at duon ay inialok sa kanya ang puwesto.

“Last week pinatawag niya ko, and he said na kailangan niya ng someone sa OPS na makatulong and he offered me the OIC position, I said yes, of course…” ayon kay Garafil.

Sa kabilang dako, hindi big deal kay Garafil kung Officer in Charge (OIC) lang ang kanyang  status sa sa Office of the Press Secretary (OPS).

Ang katuwiran ni Garafil, mas binibigyang bigat niya ang “trust and confidence” na ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para pamunuan ang OPS.

“Actually ang ano ko naman, hindi na importante kung OIC o full-pledged na Secretary… ang mahalaga sa akin, ang importante sa akin, ‘yung trust and confidence na ibinigay sa atin ng ating Pangulo, na binigyan niya tayo ng pagkakataon at trust na makatulong sa ating OPS,” dagdag na wika nito.

Nabanggit  kasi ng Chief Executive na kailangan niya ng isang taong maaaring makatulong sa naturang tanggapan na agad naman niyang tinanggap.

Habang nito lamang nakaraang Huwebes ay nagpahapyaw na ang  Punong Ehekutibo na ang kanyang itatalaga sa OPS ay kaibigan ng media at isang media practitioner na maalam sa messaging.

Si Atty. Garafil ay dating TV reporter at naging print journalist din bukod pa sa isa itong abogado at nagsilbi rin bilang Chief of Staff  ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kris Jose