Pagbabalik ng 4-year term ng Pangulo, aprub kay Enrile

Pagbabalik ng 4-year term ng Pangulo, aprub kay Enrile

January 30, 2023 @ 5:33 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni dating Senate President at ngayo’y Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile na mas pabor siya na ibalik na lang ang 4 year term sa Pangulo ng Republika sa halip na magkaroon ng batas na magpapahintulot sa isang Presidente na muling makatakbo at makaupo ng panibagong anim na taon sa kapangyarihan.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Enrile na mas mabuting mabigyan na lang ng apat na taong panunungkulan ang Presidente subalit maaari pa ring tumakbo ng hanggang dalawa pang termino.

Sinabi nito na kung apat na taon lang aniya kasi ang ibibigay na termino sa Pangulo, madali aniyang mahuhusgahan ito ng taumbayan kung naging maayos o hindi ang naging trabaho nito.

Kung sakali man aniyang kuntento ang mga Filipino sa naging performance nito sa unang termino ay nasa pagpapasiya pa rin nila ito kung iluluklok muli para sa kanyang 2nd term o hanggang 3rd term pa.

Ang naturang term set up ani Enrile ay base na din sa 1935 Constitution at nabago lamang aniya noong dumating na ang Commonwealth period na dito ay naupo si dating Pangulong Manuel L. Quezon. Kris Jose