PAGBABALIK NG BUHAY-DAGAT GAANO KATAGAL?

PAGBABALIK NG BUHAY-DAGAT GAANO KATAGAL?

March 15, 2023 @ 12:26 AM 2 weeks ago


KAUGNAY ng paksang ito ang tumatagas na langis mula sa MT Princess Express na lumubog sa karagatan ng Oriental Mindoro kamakailan.

Ayon kay Admiral Artemio Abu, Philippine Coast Guard commandant, natagpuan na ang barko.

May lalim itong 389 metro at may layong 13.89 kilometro sa northeast ng Balisangan Point, Pola, Mindoro.

Sana masarhan na ang lahat ng butas na naglalabas ng diesel at industrial fuel mula sa barko para matigil na ang pagtagas.

Habang nagaganap ito, may 137,000 nang apektadong tao, lalo na ang mga mangingisda at nakatira sa mga dalampasigan ng mga lalawigan ng Mindoro, Palawan, Batangas at Antique.

Hindi na maayos o tigil na talaga ang paghahanapbuhay  sa isda, shell at iba pa tulad ng halamang dagat, coral at bakawan o punong dagat dahil sa lumulutang at lumulubog na bahagi ng diesel at industrial oil.

Kung hindi mamamatay ang mga yamang-dagat, magiging lason naman sa mga tao at hayop kapag ginawang pagkain ang mga ito.

Pero hindi simpleng problema ito, mga brad, dahil baka abutin ng kung ilang taon ang pagbabalik sa dating kalagayan ng dagat at dalampasigan.

Una, malaking halaga ng salaping bayan ang pakakawalan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development para sa mga nawawalan at mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pangyayari.

Ikalawa, sira ang turismo sa mga lugar na may langis at malaking halaga ng kita rito ng mga maliliit at malalaking negosyante ang mawawala.

Ikatlo, puro gastos at mawawala din ang kita ng mga lokal na pamahalaan sa pagkasira ng mga negosyo, turismo at iba pa.

Bukod sa PCG at DSWD, kailangang kumilos nang todo sa paglilinis si Department of Environment and Natural Resources  Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, sa pagtiyak sa buhay-dagat si Bureau of Fisheries and Aquatic Resources  National Director Atty. Demosthenes Escoto, sa proteksyon at pamumuhay ng mga apektadong komunidad ang mga lokal na opisyal mula sa mga lalawigan, congressional districts, lungsod, munisipyo at barangay.