Manila, Philippines – Tinutulan ni Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III ang mungkahing ibalik sa Department of Education (DepEd) ang pagdedesisyon ng suspensyon ng mga klase sa mga oras na masama ang lagay ng panahon.
“‘Di po natin puwedeng ibalik sa DepEd ‘yung pagdedesisyon kasi hindi naman nila alam nangyayari sa mga lugar nila, unless uutusan natin ‘yung mga DepEd na mag-ikot sa local government,” sabi ni Densing sa isang panayam.
Sinabi niya rin na ang mga local disaster risk reduction council na pinangungunahan ng mga alkalde ang nakatoka sa pagdedeklara ng kanselasyon ng klase dahil trabaho nilang bantayan ang baha, tiyansa ng landslide o ang buhos ng ulan sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Binigyan ng direktiba ang lahat ng local government units (LGUs) para ipakalat ang kanilang local Disaster Risk Reduction Management Services upang pangalanan ang mga lugar sa kanilang komunidad na madalas naapektuhan sa panahon ng tag-ulan upang malaman kung kailan ang tamang panahon para magkansela o magsagawa ng paglikas.
Ayon pa kay Densing, ang DILG ay hindi pa nakagagawa ng mga guidelines sa pagsuspinde ng klase ngunit maaari rin daw magsagawa ng pormal na pakikipag-usap sa mga LGU upang magpasa ng ordinansa na magsasabi ng otomatikong suspensiyon ng klase.
“Dun na rin natin yung orange warning, baka dun pa lang puwedeng gawing basehan kasi walang signal siya, pero yung dami ng lakas ng ulan, nakaka-cause ng baha,” sabi niya.
“Although yung nangyari kasi, yung isang lugar bahain, ‘yung isang barangay hindi,” Densing noted. “Pwedeng i-declare na walang klase sa isang barangay pero sa isa wala… Pero pinapanukala pa lang natin yan at subject po sa clearance ni Secretary AƱo.”
Samantala, ang mga lokal na ehekutibo naman na mabibigong magdeklara ng suspensyon ng klase sa tamang oras ay maaring maharap sa mga kaso, sabi pa ni Densing.
“May specific na oras po ‘yan: 4:30 or 11 in the morning kung i-deklara. Pero kung yung local chief executive, tatamad-tamad, hindi alam kung anong gagawin, maaring pong i-reklamo ng taumbayan at pwede silang kasuhan ng administratibo dahil hindi sila tumutupad sa mga batas,” sabi niya.
Sinegundahan naman ni Education Assistant Secretary Nepomuceno Malaluan ang punto ni Densing at sinabing, kung hindi man magdeklara ang PAGASA ng storm signals sa mga siyudad, ang desisyon pa rin ng pagkansela ng klase ay nababase pa rin sa kalagayan ng lugar at sa mga LGU.
Sa ngayon, sinabi ni Malaluan na ang DepEd ay kailangan munang palakasin ang kooperasyon sa mga LGU, sa PAGASA at sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang mahawakan ang sitwasyon ng maayos. (Remate News Team)Ā