Pagbabalik ng Nutribun, Kadiwa stores, itinulak ni Imee

Pagbabalik ng Nutribun, Kadiwa stores, itinulak ni Imee

June 29, 2022 @ 2:59 PM 2 months ago


LAOAG CITY – Posibleng gumulong ulit ang pinahusay na Nutribun at Kadiwa stores sa mga paaralan at komunidad sa harap ng nakatakdang pagbabalik ng pamilya Marcos sa Malacañang.

Ayon kay Senator Imee Marcos, itutulak niya na maibalik ang mga nasabing programa na naging tanyag noong panahon ng panunungkulan ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., bilang tugon sa patuloy na pagsipa ng presyo ng langis at nagbabadyang global food crisis.

“The price of gas and basic commodities keep on increasing. We need more ayuda that directly benefits the people,” saad ni Imee.

Nabatid na sa Ilocos Norte, nagpatuloy ang operasyon ng Kadiwa rolling stores at pamamahagi ng Nutribun sa mga eskwelahan kahit natapos na ang termino ng nakatatandang Marcos.

Ang Kadiwa rolling stores ay pinamahalaan ng mga empleyado ng kapitolyo sa kanilang mga outreach program sa iba’t ibang bayan at lungsod sa probinsya habang ang Nutribun na dinagdagan ng sangkap na carrots at kalabasa at sinamahan ng gatas ng kalabaw na gawa ng Philippine Carabao Center sa Batac City ay ipinamamahagi naman sa mga mag-aaral sa layong matugunan ang malnutrition.

Para sa mga taga-Ilocos Norte, ang pagbabalik ng rolling stores ay malaking tulong sa mga lokal na magsasaka gayundin sa mahihirap na pamilya na makabili ng mga abot-kayang pagkain sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin. RNT/ JCM