Pagbabalik ng voter registration, naging maayos sa unang araw – Comelec

Pagbabalik ng voter registration, naging maayos sa unang araw – Comelec

December 12, 2022 @ 4:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Naging maayos ang unang araw ng pagpapatuloy ng voter registration sa bansa ayon sa Commission on Elections (Comelec) .

“I just came from Valenzuela City and the registration processes there are very smooth. In fact, we already have a success story. One of our kababayan is going abroad, her flight is at 2 p.m. She was able to register in less than 10 minutes,” sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco sa panayam ng CNN.

Ayon kay Laudiangco, nakatulong sa mabilis na proseso ng voter registration ang pagbabawas ng mga kopya ng application form na isusumite mula tatlo hanggang isa.

Ang form na mada-download online ay nagpapagaan din sa proseso dahil maaaring punan ito ng mga tao bago pumunta sa registration site, dagdag pa ng opisyal.

Muling binuksan ng Comelec ang voter registration na tatagal hanggang Enero 31, 2023 bilang paghahanda sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Upang mas madali na ring puntahan ang venue ng pagpapatala habang nagkaroon din ng pilot test ang Comelec para sa Register Anywhere Project sa limang piling malls sa Metro Manila mula Disyembre 17 hanggang Enero 22, 2023.

Kasabay nito, isasagawa rin ang pilot test sa Robinsons Mall Naga City, Robinsons Mall Tacloban, at SM City Legazpi, ani Laudiangco.

Ang mga karagdagang site ay makikita rin sa Senado, Kapulungan ng mga Kinatawan, at sa pangunahing tanggapan ng Government Service Insurance System.

Inaasahan ng Comelec ang minimum na dalawang milyong karagdagang botante sa muling pagpapatuloy ng registration para sa BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden