PAGBABALIK NI YORME HIHINTAYIN NG MGA MANILENYO

PAGBABALIK NI YORME HIHINTAYIN NG MGA MANILENYO

July 4, 2022 @ 11:05 AM 1 month ago


KAHIT na nga sa mga huling linggo ng kanyang panunungkulan bilang Ama ng Lungsod, hindi pa rin sinayang ni ex-Mayor Isko Moreno ang bawat oras dahil nag-iwan pa siya ng kanyang isa sa mga hindi malilimutang pamana o “legacy” matapos pangunahan ang pagpapasinaya sa Manila City Hall Clock Tower Museum na dati ay laging tinutuligsa dahil kung hindi atrasado ay adelantado naman ang mga kamay ng orasan nito.

Bukod dito, wala ring nangangahas na umakyat sa tore ng orasan dahil marami ang mga naglalabasang kuwento tungkol sa umano’y mga kababalaghan at katatakutang nagaganap sa itaas nito.

Pero ngayon, isa nang tourist attraction ang Clock Tower at sa tuwina’y tinitingala ng mga nagdaraan at maging mga motorista dahil napaayos at napaganda ng husto ni Yorme, hindi lamang ang orasan kundi ang loob ng tore na kinalalagyan nito. Kung tutuusin, may 25-taong dispalinghado ang Clock Tower at noong taong 1996 ay lumakas na ang panawagang ipaa-yos upang maging atraksiyon sa turista subalit sa panahon lamang ni Yorme ito naisakatuparan at sa pamamagitan ng Executive Order, idineklara pa niya ito bilang isang tou-rist attraction.

Bukod sa Clock Tower, pinangunahan din ni Yorme ang inagurasyon ng ipinaayos niyang bagong San Andres Sports Complex para maging pasok sa panuntunan na pinaiiral na maging NBA at FIBA standards. Aniya kung kaya ng mga pribado na magbigay ng maganda at dekalidad na pasilidad, lalong mas kaya ng gobyerno at libre pang magagamit ng mga Manilenyo.

Nanguna rin si Yorme, kasama ang bagong upo na alkalde na si Honey Lacuna-Pangan sa pagbubukas sa publiko ng Lagusnilad bas-relief sculpture na bahagi ng programang “Masigasig na Maynila” mural na makikita na ngayon sa Lagusnilad Underpass.

Sa huling araw ni Yorme bilang alkalde ganito ang kanyang naging pahayag “Makapaglalakad ako saanmang sulok ng Maynila nang nakataas ang noo. Sapagkat ang laway na aking isinangla noon sa aking mga kababayan ay nagkaroon ng katuparan. ‘Yung ipinangako nating 10 year-plan, lahat nangyari in less than 3 years. Actually, may konti pang sobra on top of what we have promised to the people of Manila.

Maraming salamat po sa pagkakataon at tiwala, mga Batang Maynila! Mahal na mahal ko po kayo,”

Bagama’t kumpiyansa at naniniwala ang maraming mamamayan sa sinabi ni Yorme na magiging mahusay at maganda rin ang pamamalakad ni Mayor Honey Lacuna, hindi maikakaila na marami pa rin ang nangungulila sa kababaang loob na ipinakita ni Yorme na tiyak na kanilang hahanap-hanapin.