Pagbabalik-normal ng operasyon sa NAIA posibleng abutin ng 3 araw

Pagbabalik-normal ng operasyon sa NAIA posibleng abutin ng 3 araw

January 2, 2023 @ 4:41 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Posibleng abutin pa ng 3 araw bago tuluyang maibalik sa normal full operation ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) nitong Lunes, Enero 2 matapos na makansela, ma-delay at ma-divert ang daan-daang mga flights nitong Linggo, Enero 1 dahil sa technical glitch ng air control system na nakaapekto sa operasyon ng mga paliparan sa buong bansa.

Sa kasalukuyan ay tuloy-tuloy ang pagdating at pag-alis ng mga pasahero sa NAIA at iba pang mga paliparan sa bansa ngunit posibleng tumagal pa ng 72 oras o 3 araw bago magbalik sa normal ang operasyon nito.

“Hindi namin isasara [ang] runway for the next few days. We normally close it 1:30 in the morning to 3:30 in the morning,” ani MIAA General Manager Cesar Chiong.

Ipinag-utos na ni Transport Secretary Jaime Bautista sa mga airline na bigyan ng pagkain, inumin, at transportasyon ang nasa 65,000 pasahero na walang anumang gagastusin. RNT/JGC