Pagbabantay sa matataong lugar pinahigpitan sa MPD

Pagbabantay sa matataong lugar pinahigpitan sa MPD

July 14, 2021 @ 3:53 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang Manila Police District (MPD) na mas lalo pa nilang higpitan ang pagbabantay at pagbibigay seguridad sa lungsod ng Maynila lalo na ngayong pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang mga bata na edad 5 taon gulang pataas sa lumabas ng kanilang bahay sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) at General Community Quarantine (GCQ).

Sinabi ni Domagoso ang naturang kautusan kay MPD Director P/BGen. Leo Francisco sa isinagawang command conference sa Bulwagan ng Katipunan, Office of the Mayor, sa Manila City Hall kung saan layunin ni Yorme, na sa kabila ng unti-unting pagpapaluwag partikular na sa ilalim ng mga GCQ areas kabilang ang Maynila, ay mabantayan ang mga Manilenyo upang hindi na muling kumalat ang impeksyon dahil may COVID-19 pa din sa lungsod.

Ayon kay BGen. Francisco, partikular na pinababantayan ni Yorme ang matataong lugar tulad ng Quiapo, Divisoria at sa lugar ng Tondo tulad ng “Ugbo”.

Aniya, nais ni Yorme na mahigpit na ipatupad ang umiiral na minimum health protocols at mga ordinansa sa lungsod ng Maynila.

Matatandaan na maaari nang lumabas ang mga batang edad 5 taon pataas sa kanilang bahay basta’t may kasamang magulang o nakatatanda sa kanila kung saan maaari umano silang magpunta sa park, playground, biking, outdoor tou­rist sites at attractions na tutukuyin ng Department of Tourism.

Puwede rin umano sila sa mga outdoor non-contact sports at kumain sa “alfresco dining” establishments o nasa labas ng kainan ang puwesto ngunit hindi pa rin puwede ang mga bata sa mga mall.  JAY Reyes