Pagbabantay sa Taal Lake ng PCG nagpapatuloy

Pagbabantay sa Taal Lake ng PCG nagpapatuloy

July 14, 2021 @ 2:08 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Lalo pang pinaigting ng Philippine Coast Guard ang pagbabantay sa Taal lake sa gitna pa rin ng banta ng patuloy na pag-alboroto ng bulkan.

Ito ay matapos magsanib-puwersa ang PCG-Southern Tagalog,  PCG Sub-Station Talisay, at Philippine National Police (PNP) dahil na rin sa  kasalukuyang alert status ng Taal Volcano ngayong araw, ika-14 ng Hulyo 2021.

Ayon sa PCG, patuloy ang kanilang pagpaptrolya  upang masiguro ang kaligtasan ng mga residenteng pumapalaot sa ‘window hours’ mula 08:00 a.m. hanggang 02:00 p.m. para mag-harvest o kaya naman pakainin ang mga alagang isda sa kani-kanilang ‘fish cage’ sa lawa.

Base naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – CALABARZON, nasa 5,100 residente ang nangangalaga sa mahigit 6,300 ‘fish cage’ sa Taal Lake na nakalaan para sa produksyon ng mga isda tulad ng bangus at tilapia.

Bukod dito, tuluy-tuloy pa rin ang pagtulong ng PCG sa pagsasagawa ng transport mission, relief operation, at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan sa mga evacuation center.(Jocelyn Tabangcura-DOmenden)