Pagbabawal sa child at forced marriages, hiniling na suportahan

Pagbabawal sa child at forced marriages, hiniling na suportahan

October 11, 2018 @ 4:18 PM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Umapela si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) at sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na suportahan ang Kamara sa isinusulong nitong House Bill 8440 o ang panukalang tuluyan nang magbabawal sa child at forced marriages.

Maliban sa NCMF at NCIP umaasa ang mambabatas na maging ang mga imams at religious leaders ng mga Indigenous People ay susuportahan din ang panukala na naglalayong baguhin na ang mga ganitong marriage practices.

Ayon kay Herrera-Dy napapanahon ang pagpasa ng House Bill 8440 dahil na rin sa pagdami ng bilang ng mga child marriages sa buong mundo kabilang na ang Pilipinas.

Batay umano sa State of the World’s Population Report ng UNFPA noong 2016, aabot sa 47,000 na mga babae ang ipinakasal na wala pa sa edad na 18 anyos.

Sa Pilipinas umano ay 1 sa bawat 4 na babae ang ikinakasal nang wala pa sa edad na 18 anyos.

Sa ilalim ng panukala, mahaharap sa pagkansela ng lisensya, multa at pagkakakulong ang mga solemnizing officer na papayag na magkasal sa bata habang kaso ng paglabag sa RA7610, pag-alis ng kustodiya sa bata at pagkakabilanggo naman sa mga magulang na pipilit na ipagkasundo at ipakasal ang mga menor de edad na anak at pagkakakulong naman ng hanggang 12 taon sa mga matatanda na magpapakasal sa bata.

Naniniwala si Herrera-Dy na kailangan ng maturity sa pagpapakasal at hindi ito dapat na pinipilit sa sinuman man matanda man o bata. Gail Mendoza