Pagbabawal sa natalong kandidato na tumakbo sa Party-list elections unconstitutional – SC

Pagbabawal sa natalong kandidato na tumakbo sa Party-list elections unconstitutional – SC

January 27, 2023 @ 7:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maaari nang kumandidato sa Party-list election ang sinumang kandidato na natalo sa nakalipas na eleksyon.

Ito ay matapos ideklara ng Supreme Court En Banc, na labag sa saligang batas ang probisyon sa Party-List System Act at sa Commission on Elections (COMELEC) Rules and Regulations kaugnay sa pagsusumite ng nominees sa ilalim ng party-list-system na nagbabawal sa kandidato na natalo sa nagdaang eleksyon na mapasama sa list of nominees bilang party-list representatives.

Sa desisyon na iniakda ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, kinatigan ang Petitions for Certiorari and Prohibition with Application for the Issuance of Temporary Restraining Order and/or Writ of Injunction na isinampa noong 2021 nina Catalina G. Leonen-Pizzaro at Glen Quintos Albano, pawang mga kandidato para sa party-list representatives noong 2019 National Elections.

Kinwestyon ng mga petitioner ang legalidad ng Section 8 ng Party-List System Act, at Sections 5(d) at 10 ng COMELEC Resolution No. 10717 na nagbabawal sa natalong kandidato na makasama sa list of nominees bilang party-list representatives.

Ayon sa SC ang pagbabawal sa mga natalong kandidato na lumahok agad sa party-list election ay paglabag sa due process at panghihimasok sa karapatan ng natalong kandidato na lumahok muli sa eleksyon.

“The Court found that the prohibition placed on losing candidates violates the constitutional guaranty of substantive due process as it effectively intrudes on the right of losing candidates in the immediately preceding elections from participating in the present elections,” nakasaad sa desisyon.

Binigyan-diin ng SC na hindi maaring gamitin na requirement ng estado ang pagkatalo ng isang kandidato sa nakalipas na eleksyon dahil hindi naman ito pamantayan sa kakayanan ng isang tao na magsilbi sa publiko. Teresa Tavares