Pagbabawal sa weekday sale, adjusted mall hours ipatutupad ng MMDA

Pagbabawal sa weekday sale, adjusted mall hours ipatutupad ng MMDA

October 24, 2022 @ 5:07 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpauna na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na muli na naman nilang ipatutupad ang adjusted mall hours bilang paghahanda sa nalalapit na holiday season.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni MMDA spokesman Mel Carunungan na maliban dito ay hihilingin din nila sa mga may-ari ng mall na ipagbawal ang sale kapag weekdays o mula Lunes hanggang Biyernes.

Ayon sa ahensya, sa kanilang pag-aaral ay nasa 400,000 sasakyan araw-araw ang bumibyahe sa Metro Manila at inaasahang madaragdagan ng 50,000 sasakyan habang nalalapit ang Pasko.

“The circular will be released by the MMDA by the end of the month. This is in preparation or arrangement that will begin on November 14 until the first week of January,” sabi ni Carunungan.

Ang adjusted mall hours naman ay tatakbo mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi katulad ng ipinapatupad sa mga nagdaang taon.

Maliban dito, maglalabas din ng abiso ang MMDA kaugnay ng pagbabawal ng mga road constructions maliban sa nagpapatuloy na konstruksyon ng Metro Manila Subway at NLEX connector. RNT/JGC