Pagbabayad ng sahod ng OFWs sa Saudi, pina-plantsa na

Pagbabayad ng sahod ng OFWs sa Saudi, pina-plantsa na

January 10, 2023 @ 4:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inaayos pa rin ang hindi pa nababayarang sweldo ng humigit-kumulang 10,000 overseas Filipino worker sa Saudi Arabia, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople.

Sa press briefing, nakatakda sana siyang magtungo sa Saudi Arabia noong Disyembre ngunit humiling ang opisyal doon ng sapat pang panahon para ayusin ang kanyang pagbisita dahil ang mga unpaid claims ay hindi pa nakaatang.

Umaasa naman ang kalihim, na makakukuha ito ng itinerary para sa Saudi Arabia trip ngayong linggo.

Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Ople kung magkano ang makukuha ng OFWs at kung may timeline ang DMW kaugnay sa pagpapalabas ng unpaid salaries.

Aniya, maglalabas ito ng impormasyon pagkatapos niyang makipag-usap sa kinauukulang mga opisyal.

Nauna nang nangako ang Saudi Arabia na maglaan ng humigit-kumulang 2 bilyong riyal para sa hindi pa nababayarang sahod ng ilang OFWs na nagtatrabaho sa mga constructrion company na nagdeklara ng bankruptcy noong 2015 at 2016. Jocelyn Tabangcura-Domenden