Pagbaha naiwasan sa ‘Oplan Karding’ ng NIA

Pagbaha naiwasan sa ‘Oplan Karding’ ng NIA

September 26, 2022 @ 4:10 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – “Daig ng maagap ang masipag.”

Ang matandang kasabihang Filipino na ito ay isinagawa ng National Irrigation Administration (NIA) habang naging matagumpay ang bagong rebisang “Magat Dam Protocol on Dam Discharge and Flood Warning Operation” para sa Oplan Karding ng Ahensya.

Sinabi ng ahensya na walang naitalang insidente ng pagbaha sa Lalawigan ng Isabela kabilang na ang munisipalidad nito na Aurora.

Sa isinagawang Press Conference sa “Oplan Karding” ngayong araw, Setyembre 26, sinabi ni NIA Administrator Benny D. Antiporda kasama sina Senior Deputy Administrator Atty. Eryl Royce R. Nagtalon at Deputy Administrator for Administrative and Finance Sector Ralph Lauren A. Du, ay binigyang-diin nito ang masinsinang pagsubaybay sa mga pangunahing dam na nasa ilalim ng kontrol ng ahensya.

Kabilang sa kanilang tinutukan ang Magat Dam sa Isabela at Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.

Sa Revised Magat Dam Protocol, ang NIA Magat River Integrated Irrigation System (NIA MARIIS) ay nagbukas na ng gate sa Magat Dam dalawang araw pa lamang bago ang pananalasa ng bagyong Karding.

Binigyang-diin ni Administrator Antiporda na lahat ng kalapit na barangay sa mga munisipalidad ng San Rafael at Bustos ay binigyan na nila ng maagang babala hapon pa lamang ng Linggo, Setyembre 25.

Tiniyak ng ahensya na ang mga residente at lahat ng mga stakeholder ay agarang nabibigyan ng abiso kung mayroong nakatakdang pagpapalabas ng tubig mula sa dam.

Samantala ayon sa ahensya, dahil sa integridad ng istruktura ay wala ni-isa man na mga dam ng NIA ang nasira.

Sa kasalukuyan, ang NIA ay patuloy na nagsasagawa ng field investigation at pagbisita sa iba’t ibang lugar upang mangalap ng datos tungkol sa imprastraktura at mga pinsala sa pananim na natamo dahil sa bagyo. Santi Celario