Pagbaha sa mga mababang lugar, pinalala ng mga subdivision – DOST

Pagbaha sa mga mababang lugar, pinalala ng mga subdivision – DOST

November 22, 2020 @ 11:08 AM 5 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Pinalala umano ng mga subdivision ang pagbaha sa mga mababang lugar ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum Jr.

“’Yung mga subdivision na itinatayo sa taas ng Marikina, Montalban, San Mateo, at sa ibang parte ng Antipolo ay nagpapabawas ng kapasidad ng lupa na masipsip ‘yung tubig ulan dahil ito ay nasemento,” saad ni Solidum sa panayam ng Dobol B.

“Imbes pumasok sa loob ay aagos. Magkakaroon ng surface flow. Pupunta lang bigla ‘yan sa ilog. Ibig sabihin imbes na dahan-dahan pa siyang dumaan doon, mapupuno bigla ‘yung ilog, biglang taas, at mas bibilis aagos ang baha,” pagpatuloy nito.

Dagdag nito ang quarrying at kakulangan sa mga halaman ay nagdulot din ng pagbaha.

“Ito ‘yung tinatawag na tamang land use planning…Kung hahayaan lang natin ang bawat local government units na mag-decide, paano naman ‘yung mga bayan na nasa baba?” rekomenda ni Solidum.

“Ang problema diyan, kanya-kanya. Wala tayong integrated land use planning sa watershed kaya nga ‘yung pinapanukalang batas na Land Use Act, napasa na po ‘yan sa House of Representatives,” dagdag nito.

Ngunit aniya, bihira itong napag-uusapan sa Senado.

Inirekomenda rin nito ang pagtatayo ng matataas na residential establishment upang maiwasan ang peligro sa baha.

Hinimok din nito ang publiko na gamitin ang Hazard Hunter ng DOST upang tingnan ang peligro sa kani-kanilang lugar. RNT/ELM


  •  
  •  
  •