Pagbakuna ng Sinovac sa Paranaque, tigil muna

Pagbakuna ng Sinovac sa Paranaque, tigil muna

July 15, 2021 @ 10:04 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Pansamantalang sinuspindi ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang iskedyul sa pagbibigay ng baksinasyon kahapon (Hulyo 14) ng ikalawang dose ng Sinovac dahil na rin sa kakulangan ng dumating na bakuna sa lungsod.

Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na ang anunsyo sa pagsuspindi ng ikalawang dose ng baksinasyon na gamit ang Sinovac ay nauna ng nai-post sa Facebook ng Parañaque City Public Information Office kung saan inabiso nito na agad na ipagpapatuloy ang pagbabakuna kapag natanggap na ng lokal na pamahalaan ang bagong suplay ng Sinovac vaccines.

Pinaalalahanan din ni Olivarez ang mga nakatanggap na ng unang dose ng Sinovac vaccine na walang dapat na ikabahala dahil ang ikalawang dose na kanilang nararapat na tanggapin ay maaaring madelay ng 3 hanggang  6 na buwan na ayon sa mga eksperto ng National Vaccination Center.

Bukod sa paggamit ng Sinovac ay sinabi pa rin ni Olivarez na patuloy naman ang lokal na pamahalaan sa pagtuturok ng bakuna sa mga residente nito ng ibang brand ng vaccine.

Base sa huling isinumiteng report ng City Health Office (CHO) ay  mayroon nang 206,395 residente ang naturukan na ng unang dose ng vaccine sa kabuuang target population na 450,000 indibidwal habang nasa 93,353 naman ang nakatanggap na ng kanilang ikalawang bakuna kung kaya’t kumpletong bakunado na ang mga ito. James I. Catapusan