Pagbasura sa drug case vs Espinosa, ikinatuwa ni De Lima

Pagbasura sa drug case vs Espinosa, ikinatuwa ni De Lima

June 5, 2022 @ 2:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Labis na ikinatuwa ng detinado at outgoing Senator Leila de Lima ang pagbasura sa kasong kinahaharap ni Kerwin Espinosa na may kinalaman sa droga kung saan nasangkot din ang kanyang pangalan sa kasong ito.

 

Sinabi ni De Lima na ang pagdismis ng kaso laban kay Espinosa ay magpapatibay din ng kanyang posisyon sa kanyang kinahaharap na kaso na ang lahat ng paratang sa kanya ay gawa-gawa o ‘fabricated’ lamang.

 

Sa ‘ruling’ na inilabas ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 64 nitong nakaraang Mayo 30 ay ibinasura ang motion for reconsideration na isinampa ng prosekusyon nitong Disyembre 2021 sa pagbaligtad ng ruling ng korte na nagbigay daan ng pagpayag sa demurrer na katumbas ng pagdismis ng kasong kinahaharap ni Espinosa.

 

Sinabi ni De Lima na ipinaliwanag ng korte na ang mga testimonya ni Espinosa sa Senado ay hindi karapat-dapat na gamitin bilang ebidensya kahit pa mismo sa kasong kinahaharap ni Espinosa na kamakailan din lamang ay binaligtad na rin nito ang kanyang sinumpaang salaysay.

 

Matatandaan na tatlong kaso ang isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay De Lima noong Pebrero 2017 kung saan ang isa dito ay ibinasura na ng Muntinlupa court nitong Pebrero ng nakaraang taon.

 

Sa kasalukuyan ay dalawang kaso pa na may kinalaman sa droga ang kinahaharap ni De Lima De Lima sa Muntinlupa courts dahil sa pakikipagsabwatan sa pagbebenta ng ilegal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP) noong mga panahon na siya pa ang nakaupong DOJ secretary bago siya mahalal na senadora. James I. Catapusan