PAGBASURA SA NCAP, TAGUMPAY NG BAYANG MOTORISTA

PAGBASURA SA NCAP, TAGUMPAY NG BAYANG MOTORISTA

September 6, 2022 @ 6:22 PM 4 weeks ago


ISA tayo sa nagagalak sa pansamantalang pagpigil ng Korte Suprema sa implementasyon ng ‘no contact apprehension policy’ ng mga siyudad sa Kalakhang Maynila, maging ng Metro Manila Development Authority.

Sa petisyon ng mga samahan ng transportasyon na sinusuportahan mismo ng Land Transportation Office, sobrang pag-aabuso sa bayang motorista ang tinatawag ng karamihan na “ligal na pangongotong” ng ipinapatupad na NCAP.

Hindi na ito makatao at sobrang pahirap sa kanila, lalo’t ang bansa ay nasa gitna ng krisis na hatid ng pandemya.
Walang iniisip ang mga pamunuan ng siyudad na ito, pati ng pribadong kompanya na nagpapatupad nito kundi ang kanilang kitang maibubulsa mula sa mga motorista.

Isang nasakyan nating may edad na taxi driver ang tinawag na “peste” ang NCAP para sa tulad niyang namamasada.
Aba’y mantakin n’yong nagkautang siya sa kanyang operator ng P31,000 dahil sa mga paglabag daw sa mga batas-trapiko. Ang kanya kasing taxi operator ang nagbayad ng mga “violation” niya.

Ang lahat ng huli sa kanya sa pamamagitan ng CCTV ay sa Maynila. Kaya nga “isinusumpa” niyang pumasok sa teritoryo ng Maynila sapagkat napakalupit daw ng NCAP dito.

Kung makaligtas ka man sa NCAP sa Maynila, baka wala kang lusot sa MTPB na tila palaging naghihintay ng “masisilo”.

Mistula raw isang malaking “trap” ang mga kalsada sa Maynila, lalo ang nasa harap ng Chinese General Hospital sa Blumentritt.

Wala naman daw problema kay Manong taxi driver kung magmulta siya sa kanyang violations pero ang pataw ng NCAP ay napakawalanghiya at napakaabuso.

Kanya nga ito ang ikinaiinis ng kasalukuyang LTO sa NCAP na yan e dahil walang maayos na regulasyon. Iba-iba ang halagang sinisingil ng mga siyudad at sobrang hindi makatao para sa mga motorista.

Wala namang bahagi ang LTO sa kinikita ng NCAP pero sila ang ginagamit sa “pananakot” ng LGUs sa mga motorista upang agad “tubusin” ang kanilang violations.

Ang panakot, kung hindi babayaran ng motorista ang kanyang violations sa NCAP o sa siyudad, ay hindi irerehistro ng LTO ang sasakyan at lisensiya.

Kaya nga kamakailan dahil ayaw makipagtulungan sa kanila ang LGUs, naglabas ng memorandum ang LTO na nagsasaad na kahit may violations sa NCAP ang mga motorista ay nakahanda pa rin itong irehistro ang mga sasakyan at i-renew ang drivers license. Ano ngayon ang silbi ng NCAP?

At salamat sa desisyon ng SC na ipatigil ang NCAP hanggang hindi nareresobahan ang mga problemang nakakulapol dito.

Kung muli mang lumala ang pangongotong ng mga traffic enforcer dahil itinigil ang NCAP, problema na ng mga alkalde kung paano nila babalugbugin ang mga “buwaya nila sa kalsada”.