Pagbasura sa P5.9B smuggling case vs Uy pinagtibay ng SC

Pagbasura sa P5.9B smuggling case vs Uy pinagtibay ng SC

December 14, 2021 @ 5:18 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeals at ng Davao Regional Trial Court (RTC) na ibasura ang kaso laban sa negosyanteng si Dennis Uy at isa pang customs broker.

Inireklamo sina Uy, dating presidente at chief executive officer ng Phoenix Petroleum, at Jorlan Cabanes, ng pagpuslit sa P5.9 bilyong halaga ng produktong petrolyo noong 2010 at 2011, sa pangunguna ni Senator Leila de Lima na noong panahong iyon ay Department of Justice (DOJ) secretary.

“In sum, the lower courts’ finding of no probable cause are supported by relevant laws and evidence on record. Mindful of these considerations, the Court of Appeals’ affirmation of the dismissal of the charges is not tainted with grave abuse of discretion,” saad sa desisyon ng SC noong Disyembre 11.

“When probable cause is judicially determined by the trial court, questions on the propriety of the executive determination of probable cause becomes moot. At that point, questions on the accused’s guilt or innocence rests on the trial court’s sound discretion,” dagdag pa dito.

Noong 2011, kinasuhan ng Bureau of Customs (BOC) sina Uy at Cabanes sa paglabag sa with Tariff and Customs Code.

Inakusahan ng BOC ang Phoenix ng pag-import ng produktong petrolyo na may halagang P5.9 bilyon nang walang import entries.

Ibinasura ang kaso noong 2012 subalit naghain ang BOC ng motion upang muling buksan ang preliminary investigation.

Sa automatic review, pinagtibay ni noo’y DOJ Undersecretary Francisco Baraan III ang pagbasura sa reklamo ng BOC.

Subalit naghain si De Lima ng isang resolusyon noong Abril 24, 2013 na nag-uutos sa paghahain ng criminal charges laban kina Uy at Cabanes- tatlo sa Batangas RTC at 22 sa Davao City.

Hinamon naman nina Uy at Cabanes ang resolusyon ni De Lima, na ibinasura rin ng CA at Davao RTC.

Itinaas naman nina De Lima, ng BOC, at ng Office of the Solicitor General ang kaso sa SC, subalit ibinasura rin ang kanilang petisyon. RNT/SA