Pagbasura sa Productive Incentives Act of 1990, gumugulong na sa Kamara

Pagbasura sa Productive Incentives Act of 1990, gumugulong na sa Kamara

January 31, 2023 @ 5:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Malaking Kapulungan ng Kongreso ang panukala na magbabasura sa Productivity Incentives Act of 1990 at sa halip ay papalitan ito ng Enterprise Productivity Act.

Ang House Bill 6683 ay inaprubahan sa pamamagitan ng voice voting sa sesyon kagabi, Enero 30.

Nakapaloob sa panukala na bibigyan ng insentibo ang mga manggagawa at kompanya na sasailalim sa productivity improvement programs.

Ang kikitain sa pagtaas ng kanilang produksyon dahil sa mga pagbabagong gagawin ay kapwa pakikinabangan ang mga empleyado at employer.

Pagkakalooban naman ng tax incentive ang mga kompanya na sasailalim sa Productivity Incentives Program at bibigyan ng poahintulot na maibawas sa kanilang gross income ang 50% ng ibinigay na productivity incentive sa mga empleyado.

Isa pang insentibo ay ang gastos sa dagdag na pagsasanay at pag-aaral ng mga empleyado ay maaari ring ikaltas sa buwis na babayaran ng kompanya.

Nasa ilalim din ng panukala na ang mga indibidwal na gagamit sa programa upang mabawasan ang babayarang buwis ng kompanya kahit na wala namang ibinigay na insentibo o walang ginastos sa pagsasanay ng kanilang mga empleyado ay maaaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon at/o pagmultahin ng P20,000 hanggang P50,000. Meliza Maluntag