PAGBASURA SA TRAVEL TAX, PAGTUUNAN NG PANSIN

PAGBASURA SA TRAVEL TAX, PAGTUUNAN NG PANSIN

August 3, 2022 @ 5:13 PM 2 weeks ago


PAGTUUNAN sana ng pansin ng mga mambabatas ang panukala ni Senator Aquilino Pimentel III na ibasura na ang travel tax dahil talaga namang sinisikil nito ang karapatan ng mamamayang Pilipino na makabiyahe palabas ng bansa.

Hindi lang kasi ang mga masalapi o may kaya sa buhay ang nagnanais na maka-biyahe palabas ng Pilipinas kundi maging ang mga middle class na matiyagang nagi-ipon ng salapi para lang matupad ang pangarap na marating ang ibang bansa na pinapangarap puntahan.

Siyempre, hindi naman magiging masaya kung isa lang sa miyembro ng pamilya ang bibiyahe palabas na bansa kundi gusto rin nilang makasama ang kanilang mahal sa buhay kaya malaking pabigat sa kanila ang babayarang travel tax para makarating sa ibang bansa.

Sabi ni Pimentel, layunin ng paniningil ng travel tax na mabawasan ang walang katuturang pagbibiyahe ng mga Pinoy palabas ng bansa at makatipid na rin sa palitan ng piso sa dolyar.

Bukod dito, gagamitin dapat ang makokolektang salapi mula sa travel tax upang mapondohan ang mga programa at proyektong may kinalaman sa industriya ng turismo, lalo na sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng kompetisyon ng bansa bilang pangunahing destinasyon ng turista.

Hindi dapat ipabalikat ng pambansang pamahalaan sa mga mamamayang nagnanais na makalabas ng bansa ang pagpapabuti sa mga pasilidad ng mga lugar na dinadayo ng mga turista, pati na sa mga proyektong pang-imprastrakturang may kaugnayan sa turismo sa pamamagitan ng paniningil ng travel tax.

Tama ang pananaw ni Pimentel na malaki na ang nababawas sa kita ng mamamayan sa pagbabayad ng kanilang income tax sa pambansang pamahalaan, bukod pa rito ang ibinabawas na value added tax (VAT) sa mga produkto at serbisyong kanilang binabayaran kaya hindi na dapat silang singilin ng travel tax sa oras na magkaroon ng oportunidad na makabiyahe palabas ng bansa.

Sa panukalang batas ni Pimentel, hindi na pagbayarin ng travel tax ang mamamayan sa mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nations dahil sa naunang napagkasunduan noong taong 2002 na hindi na kailangang singilin ng travel tax ang mga naninirahan sa mga bansa sa Timog-Silangan na pawang kasapi ng asosasyon .

Napakaraming Pilipino, mahirap o mayaman, ang nangangarap na makabiyahe sa mga bansang nais nilang marating na sa mga larawan lang nila nakikita.

Hindi lang mga taong nasa hustong edad na ang nagnanais bumiyahe at magliwaliw sa ibang bansa subalit maging mga bata na kaagad na nagyayaya sa kanilang magulang na magtungo sa lugar na kanilang nakita sa larawan o napanood sa telebisyon.

Kapag naipasa ang panukala, mababawi rin ngpamahalaan ang mawawalang kita sa travel tax dahil dadagsa ang mga turistang naninirahan sa mga bansang kasapi sa ASEAN sa magagandang tourist destination sa ating bansa na magpapaunlad sa industriya ng turismo.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.