Pagbati kay Pacman, patuloy na bumubuhos

Pagbati kay Pacman, patuloy na bumubuhos

July 15, 2018 @ 3:07 PM 4 years ago


 

Patuloy na bumubuhos ang pagbati kay Pambansang Kamao Manny Pacquiao mula sa mga opisyal ng pamahalaan.

Sa katunayan, ikinagagalak ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go ang pagkapanalo ni Pacquiao sa kanyang laban kay Lucas Matthysse at ang pagkakakuha nya ng WBO welterweight championship.

Isa na naman aniya itong karangalan, hindi lang para kay Pacquiao kundi para sa lahat ng Pilipino sa buong mundo.

“Tulad nga ng sinabi ko bago ang kanilang pagtatagpo, ang laban ni Manny ay laban ng buong bansa,” anito.

Ang tagumpay aniya ni Pacquiao ay tagumpay din ng buong bayan.

“Once more the heart, the courage, and the skill of the Filipino was on full display in the world stage,” aniya pa rin.

Umaaasa si Go na ang Pambansang Kamao ay patuloy na magsisilbing inspirasyon sa maraming Pilipino upang maiangat ang sarili mula sa kahirapan sa pamamagitan ng tapang, galing, at pananalig sa Diyos.

Karapat-dapat na tingalain ng sambayanang Pilipino at maging sa buong mundo ang isang Manny Pacquiao.

Sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na dapat magsilbing inspirasyon sa lahat si Manny partikular na sa mga kabataan.

Muling ipinakita ni Manny na sa pamamagitan ng tamang disiplina at focus sa kanyang napiling larangan ay kayang kaya pa.

Dagdag pa ni Sec. Andanar na ang inspirasyon ng pagkakaroon ni Manny ng pag-asa ay dapat ding gamiting inspirasyon ng nakararami.

Kasama ding nanood ni Pangulong Duterte sa laban sina Go, ilang opisyal ng gobyerno at si Malaysian Prime Minister Mahatir Mohamad na pawang pinasalamatan ni Senator Pacquiao matapos ang laban. (Kris Jose)

Photo Courtesy: SAP Bong Go