Pagbawi ng paratang vs De Lima, pinatotohanan ni Ragos

Pagbawi ng paratang vs De Lima, pinatotohanan ni Ragos

October 28, 2022 @ 4:33 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinatotohanan ni dating Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Rafael Ragos nitong Biyernes, Oktubre 28 ang testimonya nito ng pagbawi sa mga alegasyong ibinato laban kay dating senador Leila de Lima.

“Well, para sa aming defense panel importanteng-importante na identify niya ‘yung kanyang affidavit of recantation at natanong naman siya kung ‘yan ay totoo at kinonfirm niya na lahat ng sinabi niya doon ay totoo,” ayon kay Atty. Boni Tacardon, abugado ni De Lima.

Matatandaan na nitong Mayo ay binawi ni Ragos ang mga alegasyon nito laban kay De Lima, at sinabing mula pa sa simula ay pinilit lamang siya na tumestigo laban sa dating senadora.

“[I]ninsist naman niya na he was coerced right from the start at ‘yung coercion ay parang tuloy-tuloy at siya’y nakipaglaro na lang dahil nga concerned siya sa kanyang buhay, concerned siya sa kanyang career, concerned siya sa kanyang pamilya,” ani Tacardon.

“Kaya from 2016 hanggang 2022 hindi siya nagsasalita at noon sinabi niya napansin niya na humihina na ‘yung power nung nagko-coerce sa kanya, he decided to come out,” dagdag pa niya.

Noong Setyembre 30 pa sana inaasahan ang pagpapatotoo ni Ragos sa isa sa mga pagdinig sa kaso ni De Lima ngunit naurong nang himukin ng prosekusyon na ikonsidera ang testimonya ni Ragos.

Dahil dito ay nagagalak umano si De Lima.

“Well, for sure natutuwa si senator Leila De Lima… sabi niya nga ito’y pagkakataon na para mabigyan ‘yung huwes, maging hukuman natin, na matimbang talaga kung ano ‘yung testimonya,” aniya. RNT/JGC