‘Pagbebenta’ ng DepEd laptops sa Cebu surplus shop iniimbestigahan ng DepEd

‘Pagbebenta’ ng DepEd laptops sa Cebu surplus shop iniimbestigahan ng DepEd

October 25, 2022 @ 5:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Binubusisi ng Department of Education ang mga alegasyon na ibinebenta ang agency-issued laptops nito sa isang surplus shop sa Mandaue City, Cebu.

Nagsasagawa rin ang regional office ng sariling imbestigasyon ukol dito, base kay DepEd Spokesperson Michael Poa.

“They are now investigating the matter. Specifically, they’re checking inventories kung mayroong kulang,” sabi ni Poa.

Idinagdag niya na sinusuri rin ng ahensya kung sino ang dapat managot sakaling mapatunayan na ibinebenta nga ang agency laptops.

“[It] depends kung ang liable is an employee of DepEd or the supplier itself,” giit niya.

Sa 2021 audit report sa DepEd, sinita ng Commission on Audit ang pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng laptops, na natukoy na overpriced at “too slow” dahil sa “outdated” processors.

Inisyal na binigay ng DepEd ang estimate cost na P35,046 kada laptop, subalit tinanggap din ang presyo ng PS-DBM na P58,300, base sa COA report.

Dahil dito, kaunti lamang ang mga naging benepisyaryo, mula sa 68,500 na bumaba sa 39,583 guro. RNT/SA