Pagbebenta ng kontrabando sa NBP, utos ni Bantag – preso

Pagbebenta ng kontrabando sa NBP, utos ni Bantag – preso

January 28, 2023 @ 10:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa ilang preso na magbenta ng kontrabando sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) at pinwersa ang iba pa na bilhin ang mga ito, ayon sa isang person deprived of liberty (PDL).

Sinabi ni NBP inmate Roland Villaver na siya ang nakatoka na magbenta para sa grupo ni Bantag dahil malapit umano siya sa suspended BuCor chief, batay sa ulat nitong Biyernes.

“Inilagay na nila akong kumander doon sa kwerna. Ako na yung ginamit nilang taga salo ng mga kung tawagin nila ay ‘special offer.’ Doon ko nakita yung sistema,” paglalahad ni Villaver.

“Yung buong isang truck na pinasok, 2,000 boxes yung nakalagay lang sa mga lata na in can. And then yung iba ibang alak pa. Sigarilyo, for the boys na lang yun,” dagdag ni Villaver.

“Ang per box, kung bultuhan ang bilihan, nasa aabot lang ng almost P1,000 [ang bilihan]. Sa loob, aabot yan ng P20,000 to P25,000 isang kahon,” patuloy pa niya.

Sinabi ni Villaver na halos milyon ang naibibigay niya sa grupo ni Bantag kada linggo.

“Tuwing deliver, weekly, P5 million, P5 million weekly ang binibigay namin sa kanya. Ako ang nagpapadeliver sa pera sa kanya,” aniya.

“Pag binagsak sa mga kumander yun, ibabagsak din ng mga kumander sa mayor. Ang mayor ang mamomroblema kung paano niya babayaran. Ilalatag sa mga tao, yung mga tao hindi alam kung paano nila babayaran,” dagdag niya.

Naunang inihayag ni Villaver na iniatas din ni Bantag ang pagpatay sa mga presong pinaniniwalaang nasa likod ng Facebook page na tumutugis sa pagpapatakbo niya sa NBP.

Sinabi ng BuCor at ng Department of Justice (DOJ) na gumugulong na ang imbestigasyon sa mga alegasyon ni Villaver.

“We’ve looked at it already, it’s a centralized system, from the gates of Muntinlupa opening up to the delivery of these contrabands,” ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla.

“If they are able to do those things still, it means the system is not succeeding. We have to stop it. Dapat talaga awatin na ‘yan, itigil na yang kalokohan na ‘yan,” dagdag niya.

“Kusang sinuko nila eh, hindi naman ako nag-oplan oplan paglilinis, voluntary ‘yan binigay ng mga PDL. Tapos tinatanong ko, saan ba galing yan? Bakit ang daming ganyan? sir, binibigay sa amin yan, binebenta, and then P1,000 ang presyo,” sabi naman ni BuCor acting director general Gregorio Catapang Jr.

“Dapat nga mareform sila tapos sila pa ang inaabuso natin, so paano sila magrereform? Kung ang pagupo ko rito, mission failed ang BuCor, yung dapat pangalagaan yung mga PDL,” aniya pa.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Bantag hinggil dito.

Nauna niyang iginiit na itinanim lamang ang kontrabando sa NBP matapos siyang maalis sa pwesto. RNT/SA