Pagbebenta ng nasabat na puting sibuyas sa Kadiwa stalls, inilingan ng DA

Pagbebenta ng nasabat na puting sibuyas sa Kadiwa stalls, inilingan ng DA

December 10, 2022 @ 4:45 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hindi na kinokonsidera ng Department of Agriculture (DA) ang pagbebenta ng nasamsam na puting sibuyas sa Kadiwa stalls dahil sa health at sanitary concerns, ayon sa opisyal ng departamento.

“We will not risk selling these to Kadiwa… Natanggal na ang option na iyan,” pahayag ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez nitong Sabado.

Nitong linggo, sinabi ng DA official na maibebenta ang sako ng puting sibuyas na nakumpiska sa Divisoria, Manila sa Kadiwa stalls sa mas murang halaga.

Ang mga sibuyas, na tinatayang nagkakahalaga ng P3.9 milyon, ay karga ng truck ng Philippine National Police at dinala sa isang warehouse ng Bureau of Plant Industry (BPI) para sa imbentaryo.

Subalit, sinabi ni Estopere na base sa phytosanitary test na isinagawa sa mga sibuyas, natuklasan na hindi ito ligtas kainin.

“Anyway, ang resulta ay mukhang hindi kaliga-ligaya… Nung na-kumpiska ito, mukhang iba nag-deteriorate na because hirap na sila maglabas,” aniya.

“Pag nag-deteriorate na, alam mo naman magkakahalo-halo pag yung isa, dalawa, tutulo doon sa mga… mahahawa na doon,” dagdag niya.

Sinabi ng DA official na susunugin o gugutayin ang mga sibuyas para gawing compost. RNT/SA