Pagbenta ng alak sa Munti, niluwagan

Pagbenta ng alak sa Munti, niluwagan

July 15, 2021 @ 9:57 AM 1 year ago


MANILA, Philippines – Mas pinaluwag pa ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa pamamagitan ng isang bagong labas na ordinansa ang pamantayan sa pagbenta at pagbili ng alak o nakalalasing na inumin sa lungsod.

Sa pag-apruba at pagpasa ng City Council ng Ordinance 2021-246 na pinirmahan naman ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, pinapayagan na ng lokal na pamahalaan na magbenta at pagbili ng alak o mga inuming nakalalasing na kahalintulad nito sa buong araw maliban na lamang sa pagpapatupad ng curfew hours na mula alas 12:00 ng hatinggabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw.

Sa dating sinusunod na ordinansa ay pinapayagan ng lokal na pamahalaan ang pagbili at pagbenta ng alak sa lungsod ng alas 10:00 ng umaga hanggang alas 3:00 lamang ng hapon.

Ang desisyon ng pagluluwag sa pagbebenta at pagbibili ng alak, ayon kay Fresnedi, ay isang pamamaraan upang unti-unting mabuksan ang ekonomiya kasabay ng pagpapalakas ng mga negosyo sa lungsod.

Sa ilalim ng bagong ipatutupad na ordinansa, ang pagbebenta ng alak at iba pang kahalintulad nito sa mga menor de edad at sa mga indibidwal na sobra na ang pagkalasing ay patuloy na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan.

Nakasaad din sa naturang ordinansa na ang tinatawag na ‘social drinking’ ng mga indibidwal na hindi naman miyembro ng pamilya na nakatira sa isang bahay ay pinagbabawalan din kahit pa ito ay nagaganap sa loob ng isang pribadong bahay.

Ang pagbili at pagbenta ng alak at mga kahalintulad nito ay pinapayagan an rin sa mga establisimiyentong komersyal ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Ang mga business establishments na lalabag sa naturang ordinansa ay isasara ng isang linggo para sa unang paglabag na may kaakibat na P2,000 multa habang kapag lumabag naman sa ikalawang pagkakataon ay pagmumultahin na ito ng P5,000 kasabay ng pagkansela ng kanilang business permit.

Para naman sa mga bumibili ng alak na lalabag sa ordinansang ito ay pagmumultahin ng P2,500 sa unang paglabag at P5,000 naman sa ikalawang paglabag sa naturang ordinansa. James I. Catapusan