Pagbenta sa ismagel na asukal sa Kadiwa aprub sa DA

Pagbenta sa ismagel na asukal sa Kadiwa aprub sa DA

January 18, 2023 @ 1:13 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Payag ang Department of Agriculture na ibenta sa Kadiwa stores ang mga nasabat na smuggled na asukal kamakailan.

Ito ay kasunod na rin ng suhestyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) kaugnay nito.

Ani DA deputy spokesperson Rex Estoperez, nasabat ang nasa 4,000 metriko tonelada ng white refined sugar sa Batangas mula sa Thailand, at hindi na umano nito kailangan ang
phytosanitary certificate.

Tanging kailangan na lamang nito ay ang import permit mula sa SRA bago ito tuluyang ibenta sa Kadiwa Rolling Stores na pinatatakbo ng DA.

“‘Yun po, in-inform na nila ang ating Pangulo na ‘yung nasabat dito sa Batangas, marami pa ‘yun hindi lang sa Batangas, na kung susulatan natin ang ating Department of Finance na under ang Bureau of Customs (BOC) na kung maari ito, ‘pag natapos ang protocol ay pwede na sa ating Kadiwa,” pahayag ni Estoperez sa panayam.

“‘Pag natapos ang protocol na ‘yan, pwede na nating ipasok sa ating mga Kadiwa centers baka pwede nga ‘yan doon sa ating pamilihan,” dagdag pa niya.

Matatandaan na iniulat nitong Linggo, Enero 15, na nasabat ng BOC ang barko na naglalaman ng 4,000 metriko tonelada ng asukal mula sa Thailand na nagkakahalaga ng tinatayang nasa P240 milyon.

Planong irekomenda ng SRA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyang umuupo bilang kalihim ng DA, ang pagbebenta ng mga asukal na ito sa Kadiwa upang makapamili ang publiko ng murang halaga ng refined na asukal. RNT/JGC